Fri. Oct 9th, 2026

Muling naantala sa ikalawang pagkakataon ngayong Biyernes ang pagbasa ng sakdal (arraignment) laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa kasong grave threats, matapos maghain ang kanyang kampo ng isang motion for partial reconsideration sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98.

Ayon sa abogado ni VP Sara na si Paul Lawrence Lim, hinihiling ng mosyon sa korte na muling isaalang-alang ang naunang pagtanggi nito sa kanilang kahilingan patungkol sa presiding judge, habang binanggit din na pinayagan ng korte ang pagpapaliban ng pagbasa ng sakdal.

“So finile namin motion for partial reconsideration para pagka hingin sa judge na ire-consider niya, gawing part ng order niya,” pahayag ni Lim.

Nananatili itong nakabinbin sa korte, ayon kay Lim, at idinagdag na naghihintay din ang kampo ni Duterte ng aksyon sa kanilang petisyon sa Korte Suprema.

Nag-ugat ang kaso sa mga naging pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang kumuha siya ng assassin para itarget si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Dumating si Duterte sa Quezon City Hall of Justice bandang 8:27 ng umaga at nanatili roon ng humigit-kumulang isang oras.

Pagkatapos ng kanyang pagharap, tumanggi siyang magpa-interview ngunit nagpasalamat sa kanyang mga tagasuporta na nagtipon sa labas ng korte.# (RRN)

By Web Dev