Pinuri ni Senador-judge Panfilo “Ping” Lacson si House prosecutor Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno para sa kanyang sistematikong paghawak ng mga alegasyon ng unexplained wealth laban kay Bise Presidente Sara Duterte, kung saan sinabi nitong matagumpay na napag-ugnay ng prosekusyon ang mga pangunahing isyu sa ilalim ng Artikulo II.
Sa isang pahayag na ibinahagi sa social media platform na X, pinasalamatan ni Lacson ang naging pagganap ni Diokno sa isinagawang direct examination sa financial forensic analyst na si Atty. Alexander B. Cabrera.
Si Cabrera ang nagsisilbing huling ekspertong testigo ng panig ng prosekusyon para sa Artikulo II sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
“Without intending to prejudge the outcome, and subject to any convincing rebuttal the defense may present during the cross-examination of prosecution expert witness Atty. Alexander B. Cabrera, Cong. Chel Diokno appears to have tied up the issues under Article II (Unexplained Wealth) with remarkable clarity, precision, and coherence,” pahayag ni Lacson.
Sa naganap na marathon proceedings noong Biyernes, ginabayan ni Diokno si Cabrera sa paghimay ng mga transaksyong pinansyal at mga hinihinalang iregularidad sa bangko na iniuugnay sa Bise Presidente at sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Ang presentasyong ito ang nagtapos sa mga ilalatag na ebidensya ng prosekusyon para sa sakdal na unexplained wealth.
Bagaman nagbigay ng malaking papuri sa presentasyon ng prosekusyon, ipinaalala ni Lacson—na nagsisilbing independiyenteng hurado sa impeachment court—sa publiko na ang kanyang pagsusuri ay pauna pa lamang.
Binigyang-diin niya na magkakaroon ng buong pagkakataon ang panig ng depensa na kontrahin ang mga natuklasan at gisain si Cabrera sa muling pagbubukas ng paglilitis para sa cross-examination.# (RRN)