Tinabla ni Sen.Panfilo “Ping” Lacson ang imbitasyon ni Sen. Alan Peter Cayetano’s na personal na inspeksyunin ang infrastructure projects sa Taguig City.
Sa paskil sa X, sinabi ni Lacson na baka malunod siya sa tubig baha lalo na’t matagal na siyang hindi lumalangoy.
“Saka na lang pag maayos na ang flood control program sa Taguig. Matagal na akong walang practice mag-swimming; baka dun pa ako malunod sa tubig baha. 😂 😆 Lol!” ani Lacson.
Sa kanyang Facebook live broadcast noong Agosto 1,inulit niya ang paanyaya kay Lacson, kanyang staff, at sa publiko na personal na tingnan ang infrastructure projects sa Taguig kasunod ng mga alegasyon na may ghost projects at mga iregularidad.
“I will continue to invite, not only Senator Lacson, not only his staff, but everyone. Iba kasi ‘yung sa papel, papel. Iba ‘yung sa picture, picture. Tignan niyo ‘yung budget. Pumunta kayo sa lugar. Makikita niyo na nandiyan talaga ‘yung project at magaganda,” sabi ni Cayetano.
Nauna rito’y isinumite ni Lacson sa Ombudsman ang mga nakalap na ebidensya sa aniya’y mga anomalya sa infrastructure projects sa Taguig na balwarte ni Cayetano. # (ROSE NOVENARIO)