Binatikos ni Palace Press Officer Claire Castro si Sen. Imee Marcos kaugnay ng isang video na kumakalat sa social media account ng senadora na tumutukoy sa isang “ICC” sa Malacañang na kalaunan ay tinukoy bilang “Impaktang Clai.”
Ang naturang clip, na nagpapakita kay Marcos habang nakikipag-usap sa isang hindi nakilalang grupo, ay naputol bago tuluyang maipaliwanag ang akronim.
Gayunman, agad itong binuweltahan ni Castro at sinabing: “So, kung sila ang nakapag-describe ng ganoong salita alam nila kung anong ibig sabihin nito, alam nila ang description ng salitang ‘impakta.’ It takes one to know one.”
Giit ni Castro, hindi siya sanay sa mga ad hominem na banat, ngunit iginiit niyang ang mga nasasaktan sa kaniyang kampanya laban sa disinformation ay siya ring nagtataguri sa mga kritiko bilang “impakta” o mangkukulam.
Dagdag pa niya, ang “korona” para sa ganoong deskripsyon ay kay Marcos at sa kaniyang grupo:
“At huwag silang mag-alala ang korona ay nasa kanila – na kay Senator Imee at sa mga grupo nila at hindi natin kayang agawin ito mula sa kanila. Wala ako sa kalingkingan ni Senator Imee para sa kaniyang klaseng deskripsyon, sila ay nasa maximum level,” diin ni Castro. # (RRN)