Sun. Aug 2nd, 2026

Ginamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) bilang entablado ng pagpapabango sa administrasyon, ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD).

Sa kabila ng mga anunsyo hinggil sa YAKAP, GAMOT, pinalawak na benepisyo ng PhilHealth, at Zero Balance Billing, nananatiling naghihingalo ang sistemang pangkalusugan ng bansa,

Ayon kay Dr. Edelina Dela Paz, Chairperson ng HEAD, “Hindi State of the Nation ang ipinakita ng Pangulo kundi State of the Public Relations. Puro pagpapabango at band-aid solutions ang inihain sa harap ng sambayanang Pilipino, habang ang mismong sistemang pangkalusugan ay naghihingalo dahil sa dekada ng komersyalisasyon at kriminal na kapabayaan.”

Mariing binatikos ng HEAD ang paulit-ulit na pagre-repackage ng mga benepisyo na anila’y pansamantalang tinatakpan lamang ang sugat ng lipunan.

Giit ni Dr. Dela Paz, hindi maituturing na tunay na Universal Health Care ang sistemang nakasalalay sa insurance coverage at kakayahang magbayad. “Hindi Zero Balance Billing ang nararanasan ng mamamayan kundi zero access sa tunay na libreng serbisyong pangkalusugan,” dagdag pa niya.

Tinutulan din ng HEAD ang pagtatangka ni Marcos Jr. na isisi sa fake news, social media, pornograpiya, at hate culture ang lumalalang mental health crisis at pagtaas ng HIV cases.

Ayon sa grupo, ang mga ito ay hindi simpleng usapin ng maling impormasyon kundi bunga ng kahirapan, mababang sahod, kawalan ng disenteng trabaho, at isang sistemang pangkalusugan na matagal nang isinailalim sa komersyalisasyon.

Binigyang-diin ng HEAD na ang krisis sa kalusugan ay sintomas ng lipunang inuuna ang tubo kaysa tao.

“Ang kailangan ng sambayanan ay tunay na structural reforms, hindi taun-taong pagpapalit lamang ng benda sa sugat na matagal nang nagnanaknak,” ani Dr. Dela Paz.

Hangga’t nananatili aniyang pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo ang lipunan, mananatiling komersyalisado ang kalusugan at hindi ito magiging tunay na karapatan ng mamamayan.

Sa huli, iginiit ng HEAD na hindi na kailangan ng sambayanang Pilipino ang panibagong palabas sa SONA.

“Ang kailangan ay isang gobyernong handang gamutin ang ugat ng sakit ng lipunan at magtayo ng isang tunay na pampubliko, dekalidad, at makataong sistemang pangkalusugan na nagsisilbi sa mamamayan, hindi sa tubo o sa interes ng mga dayuhang kapangyarihan.” # (ROSE NOVENARIO)

 

By admin