Mon. Aug 3rd, 2026

Mariing tinutulan ng social action at advocacy arm ng Simbahang Katolika ang planong pagtatayo ng Pax Silica Industrial Hub sa Capas, Tarlac, na suportado ng U.S., dahil umano’y nagbabadya itong palayasin ang mga katutubong pamilya at ilihis ang pampublikong yaman nang walang malinaw na pananagutan.

Ayon sa Caritas Philippines, pinamumunuan ni Obispo Gerardo Alminaza, tutol ito sa 1,620-ektaryang technology zone “sa kasalukuyang anyo,” dahil sa kawalan ng kasagutan hinggil sa kontrol, pondo, at napakalaking pangangailangan nito sa enerhiya at tubig.

“Itinutulak ito nang walang malinaw na sagot kung sino ang may kontrol, saan kukunin ang napakalaking pangangailangan sa enerhiya at tubig, gaano karaming pampublikong pondo at lupa ang ilalaan, at aling mga komunidad ang magbabayad ng kapalit na pangkapaligiran at panlipunan,” ani Alminaza.

Binigyang-diin ng obispo na hindi bakanteng lupa ang lugar kundi tahanan ng mga pamilyang Aeta, magsasaka at pamayanang rural na ang karapatan ay “dapat mauna kaysa sa interes ng korporasyon at geopolitika.”

Nagbabala rin siya na hindi dapat gawing dahilan ang Pax Silica para sa land conversion, sapilitang pagpapalayas, mapanirang pagmimina, o paglihis ng kuryente at tubig mula sa pampublikong gamit.

Ang hub ay bahagi ng Pax Silica, isang 23-miyembrong koalisyon na pinamumunuan ng U.S. na binuo noong Disyembre upang tiyakin ang supply chains para sa semiconductors, artificial intelligence at critical minerals.

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang proyekto sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 bilang sentro ng kanyang economic agenda, na magdadala umano ng “quality jobs” at maglalagay sa Pilipinas sa pandaigdigang AI at technology value chain.

Ngunit iginiit ni Alminaza na ang tunay na kaunlaran ay dapat magtayo ng sariling kapasidad ng mga Pilipino sa teknolohiya at pagmamanupaktura, hindi lamang magbigay ng hilaw na materyales, mababang halaga ng components at murang paggawa para sa dayuhang supply chains.

“Hindi matatawag na industriyalisasyon kung mananatili tayong tagapagtustos ng hilaw na materyales, mababang halaga ng components at murang paggawa,” aniya.

Sinabi ng Caritas na sinusuportahan nito ang industriyal na paglago na may paggalang sa dignidad ng tao, integridad ng kalikasan, pambansang soberanya at partisipasyon ng mga komunidad. Ngunit binigyang-babala na ang mga proyektong kumukuha mula sa lupa at tao nang walang ibinabalik na pangmatagalang benepisyo “ay hindi kaunlaran.”  # (RRN)

By admin