Boac, Marinduque —Nagtipon ang simbahan, lokal na pamahalaan, akademya at mga civil society organization sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) sa Boac Cathedral noong Hulyo 27.
Tampok sa Provincial Leader’s Assembly ang pakikiisa ng Alyansa Tigil Mina (ATM), Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI), Marinduque State University, mga opisyal ng bayan ng Boac, kinatawan ng Sangguniang Panlalawigan, at mga pari mula sa Diyosesis ng Marinduque.
Sa temang “MACEC@30 Hamos Kita! Tatlong Dekadang Paninindigang Sama-sama, sa Nag-iisang Tahana’y Tagapagkalinga, Patuloy sa Pagiging Mabuting Katiwala”, muling iginiit ng PMPI ang kampanya para sa Rights of Nature at ang kauna-unahang RoN-based Environmental Code sa kapuluan.
Ibinahagi ng ATM ang mga kasalukuyang isyu sa pagmimina: pananahimik ng pangulo hinggil sa malakihang operasyon, desisyon ng Korte Suprema sa Abra de Ilog, pinaikling proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng NCIP, at paglagda ng Pilipinas sa kasunduan sa critical minerals kasama ang Amerika, Japan, Israel, Canada, Australia at Europa.
Tinalakay rin ang papel ng Asian Development Bank sa critical minerals value chain at ang pagsali ng bansa sa Pax Silica para sa semiconductors, AI, enerhiya at data infrastructure, kabilang ang offshore mining na tinututukan ng DENR-MGB.
Samantala, muling sinariwa ng MACEC ang tatlong dekada ng pakikibaka at pakikiisa matapos ang trahedya sa pagmimina, sa ilalim ng temang “Celebrating 3 decades of Struggle and Solidarity.”
Itinampok ang mga prinsipyong mapagdiwang, matatag, mapagbantay, at mapagtalaga bilang haligi ng kanilang adbokasiya. y
Sa pagtatapos, ibinahagi ng MACEC ang mga pangunahing programa at estratehiya na nagpapatatag sa kanilang kilusan:
– HEAR – Human rights engagement at environmental justice advocacy
– DREAM – Disaster risk at alternative livelihood management
– RIDGE – Governance integrity at community empowerment
– LEAP – Accountability at lay empowerment
– AFIRM – Institutional re-engineering at financial management
– REACH – Employee competence at housekeeping
Ang ika-30 anibersaryo ng MACEC ay nagsilbing pagpapatibay ng kanilang paninindigan para sa kalikasan at pamayanan, kasabay ng panawagan sa mas malawak na pagkilos laban sa mapanirang pagmimina at para sa makatarungang pamamahala sa likas-yaman. # (RANDY NOBLEZA)