Inaasahan na ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang desisyon ng Sandiganbayan na payagang makapagpiyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong malversation.
Sa panayam sa DZRH programang Executive Session, binigyang-diin ni Remulla ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang palakasin ang kampanya laban sa katiwalian.
“We predicted this to happen. Alam naman namin ito… Meron talaga mangyayari na mukhang natrabaho, na magkaroon ng grant of bail,” ani Remulla.
Ipinahayag din niya ang hangaring makipagpulong sa Korte Suprema upang talakayin ang mga hakbang kontra korapsyon.
Si Revilla, na nakadetine sa Quezon City Jail, ay pansamantalang nakalaya nitong Biyernes matapos maglagak ng ₱1 milyon na piyansa. Nauna nang pinayagan ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang petisyon.
Noong Enero, nakapagpiyansa rin siya sa kasong graft kaugnay ng umano’y pekeng flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, iginagalang ng kanilang tanggapan ang mga desisyon ng Sandiganbayan ngunit igigiit nila na “malakas” ang ebidensya laban kay Revilla.
“We will exhaust all remedies to highlight the basis for which we can say that evidence of guilt is indeed strong,” aniya.
Samantala, sinabi ng Malacañang na iginagalang nito ang pasya ng anti-graft court. # (RRN)