Sat. Aug 1st, 2026

Binuweltahan ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, co-counsel ng mga biktima ng drug war ng administrasyong Duterte, ang pahayag ni Vice President Sara Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Ayon kay Colmenares, mali at mapanlinlang ang mga sinabi ng VP Sara na nagbaba ng bigat ng pananagutan ng pulisya at sumalungat sa opisyal na datos.

Binanggit ni Colmenares na ang pagkilala ni VP Sara sa pagtaas ng karahasan at pamamaril sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ama ay taliwas sa paulit-ulit na pahayag ng administrasyon noon na bumaba ang antas ng krimen.

“Nagulat kami kung bakit inamin ni VP Duterte ang paglala ng krimen at karahasan sa pamamaril noong panahon ng kanyang ama. Ang lagi nilang sinasabi ay bumaba ang krimen at karahasan,” aniya.

Iginiit pa niya na malinaw ang papel ng pulisya sa libu-libong pagpatay.

“Ang Communication and Complaint na inihain ng Rise Up for Life noong 2018 ay nakabatay lamang sa mga pagpatay na mismong inamin ng PNP ni Pangulong Duterte — una’y 4,410, at kalaunan ay 6,252. Opisyal na bilang ito mula sa PNP at PDEA para sa mga napatay ng pulis sa anti-drug operations,” paliwanag ni Colmenares, at idinagdag na maraming saksi ang tumukoy sa mga pulis bilang mga salarin.

Tinuligsa rin niya ang pahayag ng bise presidente na maaaring dulot ng “crimes of passion” o karahasan sa pamamaril ang mga pagkamatay.

“Hindi niya alam ang datos ng pulis na inilabas noong panahon ng kanyang ama. Maaari siyang mag-speculate sa press releases, pero hindi sa korte kung saan ebidensya ang batayan,” giit ni Colmenares.

Patuloy na iniimbestigahan ng ICC ang mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng drug war ng administrasyong Duterte, habang si Colmenares at iba pang counsels ay nananawagan ng pananagutan batay sa dokumentadong operasyon ng pulisya. # (ROSE NOVENARIO)

By admin