Ibinulgar ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na apat na magkakaibang slope protection projects sa Taguig City, na ipinagkaloob sa iba’t ibang kontratista, ay gumamit ng parehong geotagged na larawan bilang patunay para sa billing at koleksiyon.
Ayon kay Lacson, limang case studies ang isinagawa ng kanyang team sa Taguig at lumitaw ang ilang iregularidad: paggamit muli ng parehong larawan, dobleng pondo para sa parehong proyekto, at magkakapatong na saklaw ng flood-control works.
“Walang flood control anomaly o ghost project sa Taguig, sabi ni Cayetano. Bahala siya. Pero iba ang sinasabi ng mga dokumento at rekord,” ani Lacson sa panayam ng DZBB, tumutukoy kay Senador Alan Peter Cayetano.
Naglabas ang opisina ni Lacson ng apat na larawan na umano’y nakapaloob sa magkakaibang kontrata ngunit kapwa nagpapakita ng iisang bahagi ng ilog.
Dagdag pa niya, nakita rin ang indikasyon ng 33-porsiyentong kickback scheme na hinahati sa “principal,” “for the boys,” mga miyembro ng Bids and Awards Committee, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), katulad ng naunang pahayag ng dating DPWH undersecretary sa Senate blue ribbon hearings.
Iginiit din ni Lacson na kontrolado ni Cayetano ang operasyon ng DPWH sa Taguig, kung saan napapalitan ang mga district engineer na hindi sumusunod sa utos.
“Virtually controlled ng isang tao ang DPWH operations sa Taguig. Walang makakakilos nang hindi alam ni Cayetano,” dagdag niya.
Kompirmado namang natanggap ng Office of the Ombudsman ang ebidensiya ni Lacson. Ayon kay Ombudsman Boying Remulla, isasailalim ito sa masusing pagsusuri bago maghain ng kaso. “Ang standard dito, bago kami mag-file, dapat kumpleto ang ebidensiya,” ani Remulla. # (ROSE NOVENARIO)