Fri. Jul 31st, 2026

Sinimulan ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon laban kay Senador Loren Legarda at anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste dahil sa reklamong plunder at graft kaugnay ng umano’y eksklusibong kontrata sa solar energy na nagdulot ng bilyon-bilyong pisong pagkalugi sa pamahalaan.

Kasama sa charge sheet si dating Energy Secretary Alfonso Cusi at ilang iba pang personalidad, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Biyernes, Hulyo 31.

Sa press briefing sa OMB Central Office, sinabi ni Remulla na nabigo ang kompanya ni Leviste na tuparin ang pangakong maghatid ng kuryente, na nagdulot umano ng “daan-daang bilyong pisong” pagkalugi sa pamahalaan at mamamayan.

“Dito ghost electricity. Pangako nila, magpo-produce sila ng kuryente… pero hindi nila ginawa,” aniya.

Tinukoy ni Remulla na aabot sa P10 bilyon ang halaga ng mga kontratang sangkot sa reklamo.

“Mabigat na kaso kasi ’yung kanilang pagkahawak ng eksklusibo sa solar ay nagdulot ng pinsala sa Republika. Malinaw na labag sa batas,” dagdag niya.

Ayon pa sa Ombudsman, nalugi ang taumbayan dahil ibinenta kalaunan ang tinaguriang “solar empire” ni Leviste imbes na maghatid ng proyekto sa kuryente.

“Parang sila ang naging nagmamay-ari ng araw, to the exclusion of other Filipinos, and other investors,” ani Remulla.

Idinagdag pa niya na ginamit ni Legarda ang posisyon bilang dating chair ng Senate Finance Committee upang matulungan ang anak na makakuha ng “exclusive franchise.”

“Hindi makukuha ng 21-year-old Leandro ’yung prangkisa kung hindi tinulungan ng nanay niya… at ginamit niya ang kanyang posisyon,” wika ng Ombudsman. # (ROSE NOVENARIO)

 

By admin