Naglagak ng isang milyong pisong piyansa si dating Sen. Bong Revilla upang makamit ang pansamantalang kalayaan, ayon sa utos ng Sandiganbayan Third Division sa kasong malversation na kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Bulacan.
Ayon sa desisyon, hindi nakapaglatag ang prosekusyon ng matibay na ebidensiya ng pagkakasala sa umano’y pamemeke ng mga dokumento na nagpalusot sa ₱76 milyon pondo ng bayan.
Nabilanggo si Revilla sa New Quezon City Jail mula pa noong Enero dahil sa non-bailable na kaso.
Iginiit ng mga imbestigador na nakipagsabwatan si Revilla sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mailabas ang pondo para sa proyektong natuklasang hindi umiiral sa Pandi, Bulacan.
Gayunman, binigyang-diin ng hukuman ang kahinaan ng ebidensiya laban sa dating senador.
Samantala, tinanggihan ng korte ang mga aplikasyon para sa piyansa ng kanyang mga kasamang akusado, kabilang ang mga engineer ng DPWH Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Emelita Juat, gayundin ang accountant na si Juanito Mendoza at cashier na si Christina Pineda. # (RRN)