Maaaring ituring na constructive illegal dismissal ang pagbitiw ng isang empleyado dahil sa demotion o pagbaba sa ranggo, pang-iinsulto, masamang pakikitungo, at kawalan ng malasakit ng employer.
Ito ang naging Desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng isang empleyado na napilitang mag-resign dala ng hostile work environment.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, sinabi ng Korte Suprema na ang mga kilos ng employer na nagpapakita ng labis na pagkayamot sa empleyado tulad ng demotion, nakakainsultong pananalita, at kawalan ng malasakit o pakialam ay maituturing na constructive illegal dismissal kapag hindi na nakayanan ng empleyado ang kanyang kalagayan at napilitang magbitiw sa pwesto.
Ang pamantayan para malaman kung merong constructive dismissal ay kung ang isang makatuwirang empleyado ay mapipilitang iwanan ang kanyang trabaho dahil sa kanyang kalagayan.
Bagamat sinabi ng Korte Suprema na hindi talaga maiiwasang may mga matitinding salita na maaaring bitawan sa trabaho dahil sa hindi pagkakaunawaan, hindi ito dapat nakasisira sa dignidad ng mga empleyado. via Supreme Court PH | Facebook