MASAKLAP ang katotohanan na ang nagpapakain sa bansa, ang mga magsasaka at mga mangingisda, ang pinakamahirap sa Pilipinas.
Ang mga nagpapayaman mula sa kanilang luha, pawis at dugo ang iniluluklok ng mga botante sa puwesto, at tinatawag pang ‘honorable,’ ang mga nakakasungkit ng malalaking deal, nangangamkam ng lupa, at mula sa malalaking korporasyon na nagpapalayas sa mga magsasaka sa lupang kanilang binubungkal.
Walang katapusang pagtitiis ang dinaranas ng mga magsasaka sa lumalalang kawalan ng lupa at pangangamkam ng lupa sa gitna ng dagok ng pandaigdigang krisis sa pagkain at ekonomiya.
Kapag ipinaglaban ng mga magsasaka ang kanilang mga karapatan sa lupa, maliban sa pag-atake ng mga panginoong maylupa, malalaking korporasyon ,gamit ang bayarang goons, nariyan pa ang armadong puwersa ng estado na babansagan silang mga terorista para takutin, ibilanggo at paslangin pa nga kung minsan.
Sa ganitong kalagayan na tila ang pinagpipilian na lamang ng mga Pinoy ay mga dorobong politiko mula sa puwersa ng kasamaan at pangkat ng kadiliman, saan lulugar ang nagpapakain sa bansa?
Napapanahon ang pagsabak sa 2025 midterm elections ni Danilo “Ka Daning” Ramos, tunay na lumaki sa farm at totoong mula sa pamilya ng mga magsasaka.
“Tama na ang political dynasty. Ang Senado po ay hindi family business, mag-ina, magkakapatid, magkamag-anak,” wika ni Ka Daning sa kanyang talumpati matapos maghain ng certificate of candidacy bilang isa sa 11 senatorial candidates ng Koalisyong Makabayan.
“Taumbayan po, kami ang mayorya kaya mahalaga po ang kinatawan para maisulong ang interes ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Beterano sa larangan ng pakikipaglaban para sa karapatan at kapakanan ng mga magsasaka, ipinagmamalaki rin ni Ka Daning ang kanyang mahigit tatlong dekadang karanasan bilang bahagi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Nais ni Ka Daning na ituloy ang laban para sa tunay na repormang agraryo sa Senado.
“Ang paunti-unti at huwad na mga pagsisikap sa pamamahagi ng lupa ng gobyerno ay walang laman hangga’t ang mga conversion sa paggamit ng lupa ay patuloy na sumisira sa pinakadiwa ng repormang agraryo.”
Kailangan tulungan natin ang isang lehitimong magsasaka, gaya ni Ka Daning, na wakasan ang pamamayagpag ng mga landgrabber sa Senado, pati ang mga utak-pulbura na itinuturing na kaaway ng estado ang mga magbubukid na nakikibaka para sa lupang kanilang sinasaka.
Huwag na tayong magpaloko sa mga payaso sa Senado.
Ating ipanalo ang mga tunay na kinatawan ng taumbayan sa Senado.