Sat. Nov 23rd, 2024

WALANG kahihiyan sa katawan ang nakaisip na ipagyabang ng Malakanyang ang magarbong official residence ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang pamilya.

Habang mayorya sa 31 milyong Pinoy na bumoto para maluklok siya sa Palasyo ay pilit na iniraraos ang buhay na makakain ng tatlong beses isang araw, ang pamilya ni Marcos Jr. ay nagtatampisaw sa karangyaan.

Karamihan sa mga nauto niyang bumoto sa kanya noong 2022 ay siguradong mas malaki pa ang kanyang kubeta kaysa kanilang tahanan.

Bukod sa napakasama sa panlasa ang ginawang kahambugan ng humahawak sa publisidad ni Marcos Jr., binola pa ang sambayanan nang palabasin na “bagong” renovate lang ang Bahay Pangulo ni Marcos Jr.

Lingid sa kaalaman ng publiko, matapos manumpa si Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng bansa noong Hunyo 30, 2022, pansamantala silang tumira sa malaking bahay  na pagmamay-ari ng mga Romuladez sa harap ng Kalayaan Hall sa Malacanang Complex sa J.P. Laurel St., San Miguel,Manila.

Pinagiba kasi ni Marcos Jr. ang Bahay Pagbabago na official residence ng pangulo ng bansa  sa loob ng Malacanang Park o ang Presidential Security Group (PSG) compound sa Otis, Paco, Manila.

Umabot ang gibaan hanggang renovation hanggang Setyembre 2022 kaya’t sa Bahay Pangulo na unang ipinagdiwang ng Unang Pamilya ang Pasko at Bagong Taon.

Sa Bahay Pangulo ay matatagpuan ang main house na tinitirhan ng First Couple, swimming pool at may tatlong maliit na mga bahay na tila villa, na nagsilbing tirahan ng bawat isang anak nila.

Ang official residence ng pangulo ng bansa ay dating tinawag na Bahay Pagbabago noong administrasyong Duterte at noong administrasyong Aquino III ay  kilala ito bilang Bahay Pangarap.

Parehong ayaw tumira sa Palasyo ng Malakanyang sina Aquino III at Duterte dahil takot sa “multo”  si Digong at si Aquino III nama’y mas kursunada ang hindi kalakihang tirahan lalo na’t binata naman siya.

Ilang mamamahayag na matagal nang nakatalaga noon sa Malakanyang ang nagulat sa ulat noong 2022 na pinagiba ni Marcos Jr ang Bahay Pagbabago dahil maayos pa naman ang hitsura nito.

Hindi ba’t naging bahagi ito ng kasaysayan, at hindi basta puwedeng pulbusin?

Nang manalo sa 2022 presidential elections, sinabi ni Marcos Jr., “Judge me not by my ancestors, but by my actions.”

Marami ang tumaas ang kilay dahil Hulyo 2, 2022 pa lamang o dalawang araw pa lamang sa Malakanyang si Marcos Jr. ay  nagdaos na ng bonggang birthday party si dating Unang Ginang Imelda R. Marcos sa Palasyo.

Ipinagdiwang ni Gng. Marcos ang ika-93 kaarawan at kahit kumalat sa social media ang mga larawan at video na kuha sa birthday party niya, hindi ito kinompirma ng Malakanyang.

Mula noon, maliban sa Bahay Pangulo, kaliwa’t kanan na ang istrukturang ipinaayos o kaya’y ipinatayo sa loob ng Malacanang Complex, kabilang rito ang Goldenberg Mansion, Teus Mansion, Kalayaan Hall, at Bahay Ugnayan, na proyekto ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Makasaysayan din ang mga istruktang nabanggit.

Ang Goldenberg Mansion ang paborito ni dating First Lady Imelda Marcos dahil ginaganap dito ang monthly merienda niya kasama ang mga amiga at tagasuporta.

Ang Kalayaan Hall,matapos mapatalsik si Marcos Sr, ay nagsilbing tanggapan ng Office of the Press Secretary at iba pang opisina sa ilalim nito, Press Briefing Room, Press Working Area at kalauna’y Malacanang Museum kung saan matatagpuan ang mga memorabilia ng mga naging pangulo ng Pilipinas.

Sa Malacanang Museum din sa Kalayaan Hall, idinisplay ang ilan sa koleksyon  ng mamahaling sapatos at gown ni Imelda.

Habang ang Bahay Ugnayan ay naging Presidential Action Center noong administrasyong Arroyo hanggang Duterte, at ito’y halos katapat lamang ng New Executive Bldg na kilala rin bilang Borloloy Bldg.

Ang Teus Mansion naman ang naging Malacanang Museum ngayon.

Kung magkano ang ginasta sa pondo ng bayan para ipatayo, ayusin at pagandahin ang tirahan ng Unang Pamilya at mga istruktutra sa Malacanang Complex, siguradong hindi  ito gustong malaman ni Juan dela Cruz dahil mula ito sa luha, pawis at dugo niya na sana’y pantawid gutom ng naghihikahos niyang pamilya pero napunta sa pagbibigay ng marangyang sisilungan sa naglako ng pagbabago at unity noong 2022.

Ganitong klase ng pagbabago at pagkakaisa ba ang pangarap natin?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *