BINATIKOS ni Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA-Pilipinas Vice Chairperson at Makabayan Coalition senatorial candidate ang paglahok ng detenidong Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy, na nasa most wanted list din ng Federal Bureau of Investigation (FBI) bunsod ng kasong sex trafficking at child abuse, fraud at coercion, at bulk cash smuggling.
“Sa tangkang pagtakbo ni Quiboloy, patuloy na nilalapastangan ng kampo ng mga Duterte ang proseso ng ating halalan. Hindi dapat bigyang puwang si Quiboloy sa kahit anong posisyon sa gobyerno dahil sa mga karumal-dumal nitong krimen sa mamamayan, laluna sa mga babae at kababaihan,” sabi ni Arambulo.
Hinimok naman ng lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Makabayan senatorial bet Danilo “Ka Daning” Ramos ang publiko na ibasura ang masamang plano ni Quiboloy na takasan ang kanyang pananagutan sa batas.
“Dapat malaman ng taumbayan na ang nasa likod ng planong pagtakbo ni Pastor Quiboloy sa 2025 midterm elections ay para matakasan ang pananagutan nito sa batas,” ani Ka Daning.
“Malaking insulto para sa mga biktima ni Quiboloy at sa mamamayan kung pahihintulutan ang pagtakbo niya sa kahit anong posisyon. Dapat harapin ni Quiboloy ang imbestigasyon sa mga kasong kinakaharap niya. Gayundin kung tatakbo nga si dating Pangulong Rodrigo Duterte na napapabalitang balak mag-withdraw ng kanyang COC sa pagka-Mayor ng Davao City. Nakakagalit na pinapayagan ng administrasyong Marcos Jr na makatakbo sa pwesto ang mga kriminal,” giit ng lider-magbubukid. (ROSE NOVENARIO)