Sat. Nov 23rd, 2024

KUNG gaano kabilis ang pagdaan ng mga araw, gayon naman kailap masungkit ang hustisya para sa itinuring kong kaibigan, kapatid at kasama sa pagsusulong ng adbokasiya para sa tunay at malayang pamamahayag, ang beteranong broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Kahit tukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng utak sa pagpatay kay Percy na si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag, hindi siya madakip dahil protektado ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) partikular ang mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1996, ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Sinabi ni Remulla noong nakaraang buwan, ang mga nasa kapangyarihan sa kasalukuyan o humahawak ng matataas na posisyon sa PNP na mga kaklase ni Bantag at ilang politiko ang nagbibigay proteksyon sa dating BuCor chief kaya hindi siya maaresto ng mga awtoridad.

Ayon pa sa Justice secretary, sasampahan daw sila ng kaso ng DOJ pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin ni isa sa kanila ang naaasunto.

Ayaw natin maniwala na sadyang ‘bahag ang buntot’ ng mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) sa mga graduate ng PNPA kaya hindi nila magalaw si Bantag.

Sa huling pagdinig kasi ng House Quad Committee, lumabas na isang dating heneral mula sa PMA Class ’83 ay ipinatumba ng mga opisyal mula sa PNPA ngunit “nanahimik” lang ang mga mistah ng retired general kaya hanggang ngayon ay unsolved ang kaso nito.

Nabuko tuloy na ang mga ‘iskolar ng bayan’ o mga nagtapos sa military at police academy, na tinustusan ng pera ng bayan ang pag-aaral, ay mistulang mga ‘animal’ na nagpapatayan.

Kaya hindi na tayo nagtaka na may kakayahan si Bantag na ipatumba si Percy dahil mismong kanyang mga kabaro ay nagtutumbahan.

May pagkakahawig ang motibo sa pagpatay kay ret. Gen. Wesley Barayuga at kay Percy, pareho silang nakatuklas ng anomalya nang nagtapos sa PNPA.

Batay sa quad comm, ipinapatay si Barayuga dahil nabisto niya ang mga alingasngas sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), partikular sa small town lottery (STL), na pinamumunuan noon ni PNPA Class ’97 graduate Royina Garma.

Habang si Percy, ibinulgar sa kanyang programang Lapid Fire ang mga anomalya sa BuCor at kuwestiyonableng yaman ni Bantag na graduate ng PNPA Class ’96.

Tatlo na sa mga sangkot sa pagpaslang kay Percy ay maagang nakipagkita kay kamatayan sa kaduda-dudang dahilan, si Jake Mendoza a.k.a. Orly, ang itinurong nagmaneho ng motorsiklo na angkas si convicted gunman Joel Escorial, na nagbaril daw sa sarili matapos i-hostage ang kanyang mag-ina nang isinisilbi sa kanya ang arrest warrant ng mga pulis.

Si Jun Villamor, isang person deprived of liberty (PDL) na middleman sa krimen, ay “sinupot” hanggang mamatay ng mga kapwa niya bilanggo sa utos ni Ricardo Zulueta, deputy ni Bantag at akusado rin bilang isa sa mastermind.

Noong nakalipas na Mayo, napaulat na nasawi sanhi ng heart attack si Zulueta habang nagtatago sa Hermosa, Bataan.

Iniulat kamakailan ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa na tinawagan siya ng isang prosecutor mula sa DOJ upang ipaalam sa kanya na pumayag nang tumestigo si Christopher Bacoto, ang isa pang middleman na naghanap ng taong magtutumba kay Percy.

Si Bacoto ay isang PDL na nakadetine sa Bicutan, Taguig City bunsod ng iba’t ibang kaso gaya ng drug trafficking.

Inginuso si Bacoto ni Escorial na isa sa kumontak sa kanya para patayin si Percy at binigyan niya ng P70,000 bilang parte  sa ibinayad sa kanyang P550,000 matapos niyang itumba ang  broadcaster.

Bukod sa kaso ni Percy, ani Roy, apat pang kaso ang kinakaharap ni Bacoto sa ilang korte sa buong Metro Manila.

Ayon sa ating source, maliban kay  Zulueta, may trusted pa umanong opisyal si Bantag na dapat kausapin ng DOJ na kasama sa mga nakabalik sa BJMP matapos mawala sa BuCor ang kanyang patron.

Anang source, maaaring makapagbigay linaw o dagdag na impormasyon sa kaso si SJO2 Eric Pascua na umano’y nakatalaga na sa Region 1 ng BJMP.

Binabantayan ng napakaraming personalidad at organisasyon sa loob at labas ng bansa ang Percy Lapid murder case at isang malaking kahihiyan sa administrasyong Marcos Jr. na hanggang sa ngayon ay wala pa rin sa selda si Bantag.

Kung ang mga utak-kriminal na nagtapos sa PNPA na inalagaan ni Duterte ay hindi kayang ipabilanggo ni Marcos Jr., paano tayo maniniwala na kakasa siya sa hamon na panagutin ang kanilang patron sa International Criminal Court sa kasong crimes against humanity?

Sa tagal mag-dribble ni Marcos Jr, baka maagaw pa sa kanya ang bola.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *