Fri. Nov 22nd, 2024

NAG-VIRAL ang panayam ni Karina Constantino sa ANC kay Navotas Rep. Toby Tiangco , tagapagsalita ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas o ang administration senatorial slate para sa 2025 midterm elections.

Ang tanong ni Constantino kay Tiangco ay direct hit, ika nga, tila wala ng bago pang maiaalok ang kanilang mga kandidato dahil ang ilan nga sa kanila o maging ang kanilang pamilya ay matagal na sa politika pero walang nagawa para sa bayan.

“Ano na ho ba ang nagawa ni Sen. Lito Lapid para sa bayan ? Bakit kailangan pa niya ng isang bagong termino at mapabilang pa sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas?” isa sa mga pinakawalang tanong ni Constantino

Mistulang nagulat din si Constantino na ang batayan sa pagpili nang mapapabilang sa senatorial ticket ng administrasyon ay pagkakaibigan at relasyon sa pangulo.

Nasaan nga naman sa kanilang pangkat ang taumbayan? Wala, ‘di ba?

Pormal na inilunsad kahapon ng Koalisyong Makabayan ang kanilang 11 kandidato sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.

Lahat sila ay mula sa batayang sektor ng lipunang Pilipino gaya nina:

– Jerome Adonis, isang uring manggagawa at kasalukuyang Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general

– Jocelyn Andamo, isang community nurse at secretary general ng Filipino Nurses United

– Ronnel Arambulo, isang mangingsda at vice chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas  (PAMALAKAYA)

– Rep. Arlene Brosas, isang dating teacher at kasalukuyang Gabriela Women’s Party representative

– Teddy Casiño, dating Bayan Muna Partylist representative at kasalukuyang chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan

– Rep. France Castro, isang dating guro at kasalukuyang ACT Teachers Partylist representative

– Mimi Doringo, isang maralitang taga-lungsod at Kadamay secretary general

– Mody Floranda, isang jeepney driver at pangulo ng transport group PISTON

– Amirah Lidasan, isang Iranon mula sa Maguindanao at Sandugo – Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination co-chairperson

– Liza Maza, Makabayan Coalition co-chairperson at dating Gabriela Women’s Party representative

– Danilo Ramos, isang magsasaka at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson

Bitbit ng 11 kandidato ng Koalisyong Makabayan ang malinis na track record ng tunay na pagsisilbi sa bayan, nasa posisyon man sa gobyerno o pribadong kapasidad.

Ang mga isinusulong nilang adbokasiya ay para sa kapakanan ng lahat at walang hinihintay na gantimpala mula sa malalaking negosyante at matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa katunayan, lahat sila’y naging biktima pa ng panggigipit ng estado, sinisiraan para mapahamak ng mismong gobyerno na dapat ay tinutugunan ang ipinaglalaban nilang mga hinaing ng sambayanan.

Hindi bobo ang mga botanteng Pilipino at lalong hindi na magpapauto sa mga trapo (traditional politician) na kilala lang sila kapag panahon ng halalan.

Alam ng bawat nakapila at tumatanggap ng “ayuda” na hindi ito galing sa sariling bulsa ng politikong nagpapanggap na nagmamalasakit sa kanila.

Batid ng masa na nanggaling ito sa buwis na pinaghirapan nilang iambag sa gobyerno pero inaangkin ng mga demonyong isinusulong na manatili o maluklok sa poder para pangalagaan ang sariling interes.

Ang patuloy na panggagantso ng mga trapo sa mga mamamayan at kanilang panggagahasa sa kaban ng bayan ang nagbibigay katwiran kung bakit dapat maluklok sa Kongreso ang mga kandidato ng  Koalisyong Makabayan.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *