Mon. Nov 25th, 2024
Dating Pangulong Rodrigo Duterte

BALAK balikan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pagiging mayor ng Davao City sa 2025.

Kinompirma ito ni Duterte pati ang posibilidad na kakandidato bilang kanyang bise alkalde ang anak na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Ayon kay Duterte, matanda na siya at hindi na uubra sa national campaign kaya tumanggi siyang lumahok bilang senatorial candidate sa 2025 midterm polls.

Kasalukuyang caretaker si Duterte ng mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ng kabigan at spiritual adviser na si Apollo Quiboloy, nakapiit bunsod ng mga kasong human trafficking at child at sexual abuse.

Nahaharap din si Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa ipinatupad na madugong drug war ng kanyang administrasyon.

Sinisiyasat din ng House quad committee ang maaaring kaugnayan ng illegal Philippine offshore gaming operators (POGOs), illegal drugs, extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations sa ipinatupad na madugong drug war ni Duterte.

Halos apat na dekadang hawak ng mga Duterte ang poder sa Davao City at sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA), sa dalawang termino ni Vice President Sara Duterte bilang alkalde ng lungsod ay umabot sa P2.697 bilyon ang kabuuang halagang tinanggap niyang confidential funds mula 2016 hanggang 2022 na katumbas ng P1.2 milyon kada araw.

Isa sa mga pangunahing problema sa Davao City ay ang mataas na pagbaha tuwing bubuhos ang malakas na ulan.

Noong Agosto 2024 ay sinabi ni 1-Rider party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na may sapat na pondo para sa flood control sa Davao City – partikular sa hurisdiksyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte.

“There were P51 billion funds allocated to the district of Cong. Pulong in three years, what happened?  That’s a huge amount.  For context, there was a P244.6-billion fund for flood control in 2024, but that’s for the entire country,” ani Gutierrez kasunod ng pagbatikos ni VP Sara sa administrasyong Marcos Jr. hinggil sa pagbaha sa Metro Manila.

“Did this follow the Flood Control Master Plan?  If Davao City and other parts of Mindanao were not included, they should be the ones to explain to our Davaoeño and Mindanaoan brothers and sisters,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *