Mon. Nov 25th, 2024

MAPANGANIB na mensahe sa kampanya ng mga mamamamayan kontra korapsyon ang pag-absuwelto ng Sandiganbayan kina Juan Ponce Enrile, Janet Napoles at Gigi Reyes sa P178.2 milyong kasong pandarambong kaugnay sa pork barrel scam.

Ang desisyong ito, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ay isang matinding inhustisya at isang dagok sa paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa katiwalian.

Giit ng grupo, pinapahina nito ang mga taon ng pagsisikap na panagutin ang mga makapangyarihang opisyal tulad ni Enrile, at mga fixer tulad ni Napoles, sa pagnanakaw sa bansa ng bilyun-bilyong para sa kapakanan ng publiko.

Nakapangingilabot anila  na daan-daang milyong PDAF ni Enrile ang dinambong sa pamamagitan ng mga ghost project ni Napoles ngunit walang napaparusahan at baka sa huli ang sisihin pa rito  ay ang pekeng members ng mga ghost NGO ni Napoles.

Binigyan diin ng Bayan na ang pagpapawalang-sala ay nagpapadala ng isang mapanganib na mensahe: na ang mga nasa kapangyarihan ay maaaring umiwas sa hustisya nang walang parusa habang ang mga ordinaryong mamamayan ay dumaranas ng mga kahihinatnan ng katiwalian.

“Ito rin ang Enrile na hindi kailanman pinanagutan para sa kanyang sentral na papel sa sistematikong korapsyon at malalawak na paglabag sa karapatang pantao ng diktadurang Marcos, na nagpapahintulot sa kanya na muling likhain ang kanyang sarili at maniobra sa pagkapangulo ng Senado pagkaraan ng ilang taon,” anang Bayan.

Ang paglapastangang ito sa hustisya ay nagbibigay sa mga mamamayan ng higit na dahilan upang labanan ang katiwalian at ang burukrata kapitalistang sistemang nag-aanak nito.

Panawagan ng Bayan sa publiko, ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pananagutan at mabuting pamamahala. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *