TILA umiinit na ang politika sa Caloocan City dahil sa inaasahang paghaharap nina Mayor Dale “Along’ Malapitan at dating Sen. Antonio Trillanes IV sa pagka-alkalde sa 2025 midterm elections.
Hawak ng pamilya Malapitan ang poder sa Caloocan City mula pa noong 2010.
Si Caloocan 1st District Rep. Oscar “Oca” Malapitan ay nagsilbing alkalde ng siyudad mula 2013 hanggang 2022.
Habang ang kanyang anak na si Along ay dating kongresista sa distritong kinakatawan ngayon ng kanyang ama sa Kongreso mula 2016 hanggang 2022.
Sa kanyang Facebook page ay ni-repost ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang paskil ng Kaunlaran at Kaayusan para sa Kalookan (KKK) FB page kung bakit siya tatakbong mayor ng Caloocan City.
“Ngayon ang tanong natin sa kanila, sa 12 years ‘nyo nakapuwesto, bakit kayo ubod na ng yaman pero ‘di naman umasenso ang Caloocan? Saan ba galing ang pera ninyo?” sabi ni Trillanes.
May natitira pang isang termino si Along bilang alkalde ng lungsod para makompleto ang maximum na siyam na taon o tatlong termino ng isang local na opisyal ng pamahalaan na itinakda ng batas. (ZIA LUNA)