NANGAKO si Senador Alan Peter Cayetano na tututukan niya ang mga suliranin ng transport groups na nahihirapan sa pag-modernize dahil sa laki ng gastos at sa kahirapan ng pagkuha ng utang.
“First and foremost, hundred percent I hear you… so count on me to be one of those na magbabantay at titingin [sa issue na ito],” sagot ni Cayetano sa tanong ng isang transport group adviser sa isang press conference sa Baguio City noong Sabado.
Ayon kay Joseph Cabanas ng Gabriela Silang Operators and Drivers Association, hindi naman tutol sa modernization ang mga transport group kundi humihingi lang ng tulong sa gobyerno para makapangutang.
“Gusto namin [ng modernization]. Mangungutang kami pero may counterpart sana ang gobyerno,” ani Cabanas.
Sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang mga transport group dahil isa sila sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic bunsod ng mga ipinatupad na lockdown.
At ngayong tapos na ang medical emergency, patuloy na naghihirap ang maraming tao.
“Just because the pandemic is over and big businesses have recovered doesn’t mean lahat ng Pilipino naka-recover na,” wika ni Cayetano.
“The reality is ‘yung may mga parlor na maliit, carinderia, y’ung mga nag-invest ng 1-2 million (pesos) sa small buisiness — kung naubos ‘yan n’ung pandemic, hindi nila basta basta maproproduce ngayon ulit yan,” dagdag niya.
Ayon sa senador, hindi naisa-alang-alang ng nakaraang administrasyon ang pagkaka-iba-iba ng mga lugar sa bansa kaya’t ang inilatag nitong transport modernization program ay tila “one-size-fits-all.”
“Kung sa gamot ,walang cure-all, sa programa ng gobyerno lalo in a country with more than 7,000 islands, wala namang one-size-fits-all,” aniya.
“Kasi hindi pare-pareho. may mga lugar na mas malalaki ang highway so mas maraming jeep than tricycle. Dito sa Baguio maraming taxi, then the buses papunta ng [malalayong lugar tulad ng] Dagupan, Nueva Ecija, Manila,” dagdag niya.
‘Win-win’ formula ang PTK
Isa sa mga programang inumpisahan ni Cayetano ang PTK (presyo, trabaho, kita/kaayusan) na napatunayang mabisa sa pagsagot sa mga pangangailangan ng sectoral groups na nahihirapang kumuha ng pautang.
Ikinuwento niya ang karanasan ng isang PTK group sa Iloilo na nakatanggap ng P250,000 sa kanyang programa at napalago ito hanggang sa nakabili ng 90 buses gamit ang isang P100-million loan.
Ngayon aniya, kumukuha ito ng isa pang P100-million loan para sa karagdagang electric buses.
“What do they have na wala sa iba? a win-win formula. wala namang problema kung magkautang basta sure kang mababayaran mo at sure kang makakautang at sure kang kikita,” aniya.
Idinagdag din ni Cayetano, ito ang “hugot” ng isa pa niyang programa na nagbibigay ng P10,000 sa mga nangangailangan.
“It was not standalone. ang kasama ng programa na ‘yun is how to provide financing na merong at least one to three years na grace period… huwag ka munang magbayad ng one to three years hanggang makabawi [ang negosyo mo],” wika niya.
Paliwanag ng senador, na tiyak na gugustuhin ng mga transport group na mag-modernize basta makakakuha sila ng katulad na programa.
“Basta win-win, most [drivers and operators] papayag [sa modernization],” aniya. (NIÑO ACLAN)