Ipinaalala ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na may kinakaharap umanong kasong plunder si Sen. Chiz Escudero kaya’t maituturing na “redemption” ang pagpili sa kanya bilang Senate impeachment court presiding officer na lumilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ngunit dahil halata umano ang pagkiling ni Escudero kay VP Sara, nagbabala si Trillanes sa presiding officer na kapag nagloko sa kanyang responsibilidad ay dapat idiretso na sa bilangguan upang umano’y panagutin sa kasong pandarambong kaugnay sa flood control anomaly.
“Ipaalala ko lang sa mga kababayan natin, merong kasong plunder ito ah, na nakabinbin. Kaya pag paloko-loko ito, talagang kailangan i diretso na ito sa kulungan, kasi ito na nga, binibigyan na siya ng redemption,” ani Trillanes sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
“Gumawa ka naman ng tama at maayos para makabawi bawi ka sa utang mo sa lipunan,” ani Trillanes patungkol kay Escudero.
Napansin umano niya noong nagpunta siya sa Senado nang humarap si Davao City Mayor Baste Duterte bilang hostile witness ng prosecution ay nagmano sina Escudero at Sen. Joel Villanueva sa alkalde.
“Pero nung nakita ko, noong umattend ako doon, kung paano halos nagmamano itong si senator escudero at senator Joel Villanueva kay Baste Duterte Teka muna. Kailangan i-remind sila: “umayos kayo,” wika ni Trillanes.# (ROSE NOVENARIO)