Wed. Sep 30th, 2026

Ibinasura ng Supreme Court ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa desisyon ng Senado na ibaba ang voting threshold na kinakailangan upang mapatunayang guilty si Vice President Sara Duterte sa kanyang nagpapatuloy na impeachment trial.

Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na tinanggihan ang mga petisyon dahil sa procedural grounds, partikular na binanggit ang lack of standing at pagiging premature. Hindi pa inilalabas ng korte ang buong kopya ng desisyon nito.

Ang mga petisyon para sa certiorari ay inihain noong nakaraang linggo nina Atty. Vic Rodriguez, Ernesto Francisco, at Berteni Causing.

Hiniling nilas na baligtarin ang ruling ng Senado na muling nagbigay-kahulugan sa constitutionally mandated two-thirds majority.

Sa botong 13-1 na may anim na abstention, nagpasya ang mga senador na ang “all members of the Senate” ay tumutukoy lamang sa mga “kakayanang lumahok.”

Dahil sa interpretasyong ito, epektibong bumaba ang kinakailangang boto para sa konbiksyon mula sa 16, dahil apat na mambabatas ang kasalukuyang hindi makaupo sa impeachment court.

Kasalukuyang nakadetene sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa mga kasong plunder.

Si Senador Ronald Dela Rosa ay kasalukuyang nagtatago dahil sa nakabinbing warrant mula sa International Criminal Court.

Habang si Senador Loren Legarda naman ay kasalukuyang nasa ibang bansa para magpagamot.

Mariing binatikos ng depensa ang pagbabago sa threshold ng Senado.

Inakusahan ng tagapagsalita ni VP Sara na si Paolo Panelo ang impeachment court ng pagtatangkang “baguhin ang konstitusyon” para “magmanupaktura ng konbiksyon” dahil hindi nila makuha ang karaniwang 16 na boto.

Na-impeach si VP Sara ng House of Representatives noong Mayo 11 bunsod ng mga akusasyong graft, korapsyon, panunuhol, at ang umano’y planong pagpaslang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos.

Kung mapatunayang nagkasala ng Senate impeachment court, matatanggal siya sa pagka-bise presidente at habambuhay na madidiskwalipika sa paghawak ng pampublikong tungkulin. # (RRN)

By admin