KADUDA-DUDA ang amnesty program na inilalako ng administrasyong Marcos Jr. sa mga kasapi ng iba’t ibang rebeldeng grupo sa bansa dahil maaaring magbunga lamang ito ng ibayong pagpapatuloy ng armadong tunggalian sa halip na matuldukan, ayon sa isang human rights group.
“It is a shallow and tangential approach that will guarantee not the end but the continuance of armed conflict,” sabi ng human rights group Karapatan sa isang kalatas.
Bigo anila ang amnesty program na kilalanin at tugunan ang panlipunan, pampulitika at pang-ekonomiyang mga ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas.
Anang grupo, mababaw ang diskrarte ng administrasyon sa paglutas sa armadong tunggalian dahil nakatuon ito sa pagsuko at lubos na binabalewala ang mga dahilan kung bakit humawak ng armas ang mga rebeldeng grupo para isulong ang kanilang mga adbokasiya.
Hihikayatin lamang anila ng programa ang mga amnesty grantee na sumuko at obligahin silang umamin sa pagiging kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at sa mga tinatawag na front organization na walang kinalaman sa paggamit ng armas upang kalauna’y magamit laban sa kanila.
Giit ng Karapatan, ang naturang probisyon sa programa ay nagbabalik lamang sa Republic Act 1700 o ang Anti-Subversion Law, na nagpaparusa sa pagiging kasapi lamang sa CPP, NPA o NDFP, anoman ang aktwal na pakikilahok sa mga rebeldeng gawain.
Ginagawa rin nito umanong krimen ang pampolitikang aktibismo at isinama ito sa paghihimagsik, at tusong pinupuntirya ang mga tao na kung hindi man ay maaaring ikategorya bilang mga rebelde kahit hindi sila humawak ng armas.
Hindi rin anila kasama sa amnesty program ni Marcos Jr. ang mga kinasuhan sa ilalim ng Anti-Terrorism Act at ang wala nang Human Security Act.
“Considering how these laws are being maliciously weaponized against activists and political dissenters, this is cause for alarm.”
Kapag ipinatutupad na anila ang amnesty program, maaaring maganap ang panibagong bugso ng mga di-makatwirang pagbansag ng terorista at pagsasampa ng mga kaso sa korte laban sa mga aktibista at mga sumasalungat sa pamahalaan.
Wala rin umanong ibinibigay na proteksyon ang amnesty laban sa mga kasong sibil at nag-aalok ng mga limitadong garantiya kung paano gagamitin ang impormasyong ibinunyag ng aplikante ng amnestiya.
Magiging daan din umano ito upang magpiyesta ang Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa red-tagging, profiling, panliligalig at pananakot sa mga aktibista na tumatangging sumali sa amnesty charade na maaaring magresulta sa mas malubhang paglabag sa karapatang pantao.
“None of these, of course, will impact the ongoing armed conflict in any significant way, and will prove to be an exercise in futility, like all previous amnesty programs of such nature,” paliwanag ng Karapatan.
Sa halip, ang Karapatan ay nananawagan para sa isang pangkalahatan, walang kondisyon at omnibus na amnestiya para sa lahat ng bilanggong pulitikal at iba pang sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, kabilang ang mga maling kinasuhan gamit ang labag sa Konstitusyon na mga probisyon ng Anti-Terrorism Act at iba pang kaugnay na batas.
Hinihiling ng Karapatan na tugunan ng gobyerno ni Marcos Jr. ang mga ugat ng armadong tunggalian, buwagin ang NTF-ELCAC at bawiin ang Executive Order 70, na instrumento anila ng panunupil at ganap na inutil sa paglutas sa malalim na ugat ng armadong tunggalian.
“It should ensure justice and accountability for all human rights and international humanitarian law violations, and the immediate release of all political prisoners.”
Nais din ng Karapatan na sundin ng administrasyong Marcos Jr. ang mga naunang nilagdaang kasunduan sa mga nakalipas na peace talks ng gobyerno at NDFP at magpatupad ng masinsinan, komprehensibo at malaking reporma sa ekonomiya at politika
“It should stop its doublespeak on human rights, social justice and just and lasting peace,” wika ng grupo. (NINO ACLAN)