WALANG lamat ang ‘UniTeam” o ang nabuong tambalang Marcos-Duterte noong 2022 elections, ayon kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni VP Sara ilang araw matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan ng Malakanyang ang posibilidad na muling maging state party ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Iniimbestigahan ng ICC ang reklamong crimes against humanity sa isinulong na madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni VP Sara.
“Wala naman. Wala namang [cracks]. Ang UniTeam kasi, it was a tandem during the elections. Ngayon naman, ang trabaho namin is hindi na pangangampanya. Ang trabaho namin is President and Vice President,” sabi ni VP Sara sa sidelines ng “Bata, Bida Ka!” program para sa 31st National Children’s Month.
“With regard to our working relationship, wala akong narinig kay Pangulong Marcos na reklamo niya with regard sa trabaho namin sa DepEd (Department of Education). Tuloy tuloy lang iyong trabaho,” dagdag niya.
Ibinahagi ng Usapang Kongreso facebook page ang umano’y inilathala ng online news site na Feminine-Perspective Magazine na nakita ang mga dokumento mula sa ICC na nagsasaad ng mga pangalan ng “persons of interest” na maaaring nakagawa ng kahindik-hindik na crimes against humanity.
Kabilang umano sa mga pangalan sa listahan ay sina dating Pangulong Duterte, dating mga opisyal ng gobyerno at aktibong mga opisyal ng Philippine National Police.
Habang sa artikulong lumabas sa VERA Files kamakailan ay sinabing nakatanggap sila ng kopya ng isang dokumento na nakalagay umano ang mga pangalan nina VP Sara at dalawang incumbent Senators, Bong Go at Bato Dela Rosa, bilang mga sangkot sa patayan na may kaugnayan sa Duterte drug war.
Nakabinbin ang tatlong resolution sa Mababang Kapulungan at isa sa Senado na nag-uudyok sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa pag-iimbestiga ng ICC sa Duterte drug war. (ROSE NOVENARIO)