Hinamon ng Makabayan bloc ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglabas ng malinaw na pagkondena sa agresyong militar ng Estados Unidos sa pambobomba sa Bolivarian Republic of Venezuela at pagdukot kay Venezuelan President Nicolás Maduro at sa kanyang asawa.
Ang pananahimik anila ng gobyernong Marcos Jr. ay katumbas ng pagsang-ayon sa karahasan.
Sa kanilang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng mga progresibong mambabatas na ang naturang aksyon ay “state-sponsored terrorism” na hindi lamang pag-atake sa Venezuela kundi sa mismong pundasyon ng international law.
“Ang brutal na pag-atake na ito ay walang ibang layunin kundi ang pag-agaw sa yaman ng Venezuela—ang kanilang langis at mineral—at ang pagpataw ng puppet regime,” ayon sa grupo.
Tinukoy ng Makabayan bloc na ang pambobomba sa mga sibilyan at pasilidad militar sa Caracas at iba pang estado ng Venezuela ay tahasang paglabag sa UN Charter.
Dagdag pa nila, ang ginawa ng administrasyong Trump ay malinaw na pagpapakita ng “gangsterism expressed as foreign policy.”
Kasabay nito, nanawagan ang grupo kay Marcos Jr. na kanselahin ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas ngayong taon, na tinawag nilang “hindi welcome sa ating mga baybayin.”
Binigyang-diin din ng Makabayan bloc na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA) ay nagiging daan upang gawing “forward operating base” ang Pilipinas para sa mga operasyon ng US.
“Kung pwedeng dukutin ng US ang isang pangulo ng ibang bansa, ano ang pipigil sa kanila na gawin din ito sa mga lider ng Pilipinas na hindi sumusunod sa kanilang utos?” tanong ng grupo.
Nanawagan ang Makabayan bloc sa Department of Foreign Affairs (DFA) na dalhin ang usapin sa United Nations, ASEAN, at Non-Aligned Movement upang igiit ang agarang pagpapalaya kay Maduro, pagtigil ng hostilities, at pag-atras ng lahat ng puwersang militar ng US mula sa teritoryo ng Venezuela.
Batay sa ulat ng New York Times, sinabi ni Trump noong Sabado na si Delcy Rodríguez, bise presidente ni Maduro, ay nanumpa bilang “interim president” ng Venezuela at kikilos bilang katuwang ng Washington sa pamamahala ng bansa.
Subalit makalipas ang halos dalawang oras, nagbigay si Rodríguez ng televised address kung saan iginiit niyang ang Estados Unidos ay isang “illegal invader” na dapat tanggihan ng Venezuela.
Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, iginiit ng Makabayan bloc ang pakikiisa sa mamamayang Venezuelan sa kanilang laban para sa soberanya at karapatang magtakda ng sariling kinabukasan.
“Today it is Venezuela and President Maduro; tomorrow it could be any nation or leader that dares to chart an independent path. Ang kanilang laban ay ating laban,” wika ng grupo. (ROSE NOVENARIO)