Kinondena ni ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang paglilipat ng mahigit ₱43 bilyon na pondo para sa sahod at retirement benefits ng mga guro, kawani, at uniformed personnel mula sa tiyak na Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) at Pension and Gratuity Fund (PGF) patungo sa alanganing Unprogrammed Appropriations (UA) sa 2026 General Appropriations Act na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes.
Ayon sa ratipikadong GAB report, ₱10.77 bilyon para sa salary upgrades at ₱32.47 bilyon para sa retirement at terminal leave benefits ang inilipat sa bagong UA line item na “For Payment of Personnel Services Requirements.”
Binatikos ni Tinio ang hakbang na ito bilang “malupit na pagtataksil” sa mga lingkod-bayan, habang tiniyak naman ang ₱54 bilyon dagdag na lump-sum para sa Local Government Units.
“Ginawang alanganin ang mandatory benefits ng daan-daang libong kawani at guro. Habang garantisado ang bilyon-bilyong pork para sa LGUs, isinugal naman ang sahod at pensiyon ng mga lingkod-bayan,” ani Tinio.
Binalikan ng mambabatas ang karanasan sa Service Recognition Incentive (SRI) 2025, kung saan hindi nabuo ang ₱20,000 benepisyo dahil sa kakulangan ng pondo.
Giit niya, inuulit ng administrasyon ang parehong “patakaran ng pagpapabaya.”
Dagdag pa ni Tinio, ginagamit umano ng pamahalaan ang personnel benefits bilang “panangga” para protektahan ang UA laban sa veto, sa kabila ng mga ulat ng malawakang korapsyon sa UA-funded flood control projects noong 2023 at 2024.
“Ito ay manipulasyon at kalupitan. Ginagawang hostage ang sahod at pensiyon ng mga guro, kawani, sundalo, at pulis para lang mapanatili ang isang tiwaling sistema,” aniya.
Muling nanawagan si Tinio sa Pangulo na i-veto ang UA at agad maghain ng supplemental budget upang ibalik ang ₱43.245 bilyon para sa salary upgrades at retirement benefits. (RRN)