Tinuligsa ng Makabayan bloc ang House Bill No. 4058, o ang 2026 General Appropriations Bill, na niratipika noong Disyembre 29.
Anila, “hindi ito badyet para sa mamamayang Pilipino. Ito ay badyet para sa pampulitikang survival ng tiwaling administrasyong Marcos… na nagpapalaganap ng sistemikong korapsyon sa pamamagitan ng bilyon-bilyong pork barrel funds.”
Hindi pinansin ang pagtangkang magsalita ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio habang minadali ng liderato ng Kamara ang pagpasa sa loob ng isang minuto. Kasama niyang tumutol sina Gabriela Rep. Sarah Elago at Kabataan Rep. Renee Co.
Tinawag ng Makabayan na lantarang kasinungalinga ang pahayag na pork-free ang panukala, dahil puno ito ng presidential pork, vice-presidential pork, generals’ pork, at bagong ₱73.2-bilyong LGU pork.
“Maging ang Calamity Fund ay ginawang pork,” giit nila, tinukoy ang ₱15.3-bilyong Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program.
Nanatili rin ang ₱8-bilyong pondo ng NTF-ELCAC at tumaas sa mahigit ₱11 bilyon ang confidential at intelligence funds.
“Para pondohan ang mga pork barrel na ito, binawasan ang pondo para sa suweldo, benepisyo, at regularisasyon ng mga kawani ng gobyerno,”dagdag ng Makabayan.
Babala nila, ang General Provision No. 78 ay nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na mag-impound ng pondo at lumikha ng “savings” para sa pork.
Samantala, lumobo ang pondo para sa mga programang ayuda gaya ng AICS (₱63.9 bilyon) at MAIFIP (₱51.6 bilyon), na ayon sa kanila ay anyo ng patronage politics.
Tinuligsa rin ang tinaguriang “soft pork” para sa magsasaka at mangingisda, na kakarampot na ayuda kapalit ng tunay na reporma sa lupa at pagpapatigil sa importasyon. Dagdag pa, 4% lang ang dagdag sa edukasyon na magpapalala ng kapabayaan ng estado.
Habang nalalagay anila sa alanganin, lalo pang hinigpitan ng administrasyong Marcos Jr. ang kapit sa pondo ng bayan sa pamamagitan ng pinalobong pork barrel allocations.
Kahit anopaman ang balot na gamitin ng administrasyon, nananatiling badyet ito para sa sistematikong korapsyon at pasistang panunupil, giit ng koalisyon. (ROSE NOVENARIO)