Sat. Mar 21st, 2026

📷: Ex-Ako Bicol Rep. Zaldy Co

 

Inamin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa Sandiganbayan na binigyan siya ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ng P130 milyon bilang “balato” o tinawag niyang “token of gratitude.”

Sa kanyang unang testimonya bilang state witness, sinabi ni Bernardo na mula 2023 hanggang 2025 ay nakatanggap siya ng P100 milyon sa pamamagitan ni dating DPWH First District Engineer Henry Alcantara, at P30 milyon naman sa pamamagitan ni dating DPWH 4B Regional Director Gerald Pacanan.

Ayon kay Bernardo, ang halagang ito ay ibinibigay tuwing ikatlong quarter ng taon.

Ipinaliwanag ni Bernardo na ang P100 milyon mula kay Alcantara ay hinati sa P40 milyon noong 2023, P40 milyon noong 2024, at P20 milyon noong 2025.

Samantala, ang P30 milyon mula kay Pacanan ay tig-P10 milyon kada taon mula 2023 hanggang 2025. Aniya, sinabi ni Pacanan na ang naturang “balato” ay mula kay Zaldy Co.

Ang testimonya ni Bernardo ay bahagi ng paglilitis sa Sandiganbayan Sixth Division sa 16 katao, kabilang ang ilang dating opisyal ng DPWH at si Co, na nahaharap sa kasong malversation kaugnay ng umano’y substandard na proyekto sa Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng P289 milyon. Ang kontraktor ng proyekto ay ang Sunwest Construction, kompanyang itinatag ni Co.

Dagdag pa ni Bernardo, ang mga kickback ay iniabot sa kanyang mga tauhan at hindi niya personal na tinanggap.

Matatandaan na sa isang video message ay itinanggi ni Co ang mga alegasyon na nakatanggap siya ng bilyon-bilyong halaga mula sa mga flood control projects ng pamahalaan.# (RRN)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *