Sat. May 9th, 2026

Mariing tinuligsa ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagsuspinde ng P1 dagdag-pasahe sa jeepney, na tinawag niyang “papogi stunt” na lalo lamang nagpasiklab ng galit ng mamamayan sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pagbisita ni Tinio sa mga strike center ng transportasyon, iginiit niyang hindi sapat ang “paayuda-ayuda” na tugon ng administrasyon.

“Mula sa dating P1,050 na kita ng drayber noong P60 kada litro pa ang diesel, ngayon P250 na lang kahit limang biyahe sa isang araw. Hindi na kabuhayan ito, panggigipit na,” aniya.

Buong suporta ang ipinahayag ni Tinio sa nationwide transport strike, at binigyang-diin na sa halip na maglatag ng tunay na solusyon, “idineklarang giyera ni Marcos ang sektor ng transportasyon” sa pamamagitan ng pagbawi sa kakarampot na pisong pamasahe. “Sinubukan niyang magpapogi, pero lalo lang nagalit ang mamamayan,” dagdag pa niya.

Ibinahagi ng mga operator ang hirap sa ruta ng Agoncillo–Guadalupe: apat na litro ng diesel kada biyahe o halos P400 ang gastos, habang nananatili sa P700 ang boundary. Sa gitna ng sunod-sunod na oil price hikes, lugi na ang operasyon. Dagdag pa rito, ang mga hindi pa konsolidado ay nahaharap sa problema sa rehistro, panganib na maituring na “colorum,” at pilit na isinasali sa kooperatiba.

Binatikos din ni Tinio ang mabagal at kulang na ayuda ng gobyerno. Ang P5,000 tulong mula DSWD, na ipinapadaan pa sa operator, ay sapat lamang sa dalawang araw ng gastos sa kasalukuyang presyo ng langis.

“Ang pangako nilang ayuda, huli na at kapos pa—aanhin pa ang damo kapag patay na ang kabayo,” aniya.

Nanawagan si Tinio sa pamahalaan at Kongreso na agad tugunan ang panawagan ng sektor: tanggalin ang excise tax at VAT sa langis, pigilan ang overpricing ng oil cartel na pinalakas ng deregulasyon, ibasura ang Oil Deregulation Law, at magbigay ng makabuluhang ayuda na direktang makarating sa mga drayber.

“Ang kailangan ng drayber at pasahero ay tunay na ginhawa sa presyo—hindi press release at panakip-butas,” giit ni Tinio.# (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *