Sa pinakahuling Notice of Disallowance na inilabas ng Commission on Audit ay ipinababalik kina Vice President Sara Duterte, Army Col. Raymund Dante Lachica at Special Disbursing Officer Gina Acosta at Chief Accountant Julieta Villadelre ang P375-M na confidential funds.
Sa ND na may petsang Marso 31, 2026, iniutos ng COA na personal na isauli nina Duterte, Lachica, Acosta at Villadelrey ang ₱375 milyon, na kumakatawan sa tatlong magkakahiwalay na cash advances na tig-₱125 milyon para sa confidential expenses mula Pebrero hanggang Setyembre 2023.
Ito ay dagdag pa sa naunang ₱73-milyong disallowance kaugnay ng confidential funds noong 2022, na nagdadala sa kabuuang posibleng obligasyon sa ₱448 milyon kung tuluyang mapagtibay sa buong proseso ng COA.
Mula pa noong Nobyembre 2024 ay nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na iimbestigahan sina Cols. Dennis Nolasco at Lachica matapos silang ituro na tumanggap ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) at OVP.
Napaulat noong Nobyembre 2024 na nagsagawa nang pagsisiyasat ang Provost Marshal General (PMG) office at noong Oktubre 2025 ay sinibak si Lachica bilang hepe ng AFP Security and Protection Group (ASPG), dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), ngunit walang detalye hinggil sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa dalawang opisyal.
Daang-daang milyong piso ang sangkot na confidential funds kaya’t nakapagtataka ang nakabibinging katahimikan ng AFP sa pagkakaugnay nina Lachica at Nolasco.
Bakit tikom din ang bibig ng mga retiradong opisyal ng militar sa usaping ito gayong napakaingay nila kamakailan sa adbokasiya raw nilang “anti-corruption”?
Kung gaano katindi ang hindi makatarungang pag-atake ng militar sa Rural Missionaries of the Philippines (RMP),sa pamamagitan ng red-tagging at pag-freeze ng pondong nakalaan para sa mga organisasyon ng magsasaka, tila balewala naman sa AFP ang umano’y “pakikipagsabwatan” ng kanilang mga opisyal sa “pagwawaldas” sa daan-daang milyong pisong PERA NG BAYAN.
Mahirap pasinungalingan ng AFP ang mga rebelasyon ni Ramil Madriaga laban kina Lachica at Nolasco sa House Justice Committee dahil matagal pinakinabangan ng militar ang kanyang mga nalalaman bilang intelligence agent at instructor.
Ibig sabihin, kung may magandang track record si Madriaga hindi lamang sa AFP kundi sa National Security Council (NSC), siguradong may ‘handler” siyang mataas na opisyal sa intelligence community.
Sa aspetong ito’y kapansin-pansin na naging maingat si Madriaga at hindi niya ikinanta kung sino ang kanyang “handler.”
Marami ang nag-abang sa magiging pahayag ng NSC hinggil kay Madriaga pero ang bumulaga sa publiko kinabukasan ay ang pagbibitiw ni ret. Gen. Eduardo Año bilang national security adviser.#