MARIING kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pambobomba ng US sa Iran, na isang direktang pagkilos ng agresyon laban sa isang soberanong bansa at lumalabag sa internasyonal na batas.
Sinabi ito ni Bayan President Renato Reyes Jr. kasunod ng pahayag ngayon ni US President Donald Trump na nagsagawa ng pambobomba ang US sa “tatlong nuclear sites sa Iran”.
Ayon kay Reyes, inuudyok ng rehimeng Trump ang isang malawakang digmaan sa rehiyon sa pamamagitan ng pambobomba sa Iran at pagsuporta sa naunang pag-atake ng Israel laban dito.
Ngayon aniyang hayagang nakikialam na ang Estados Unidos, tiyak na lalala ang tunggalian at magkakaroon ito ng malawakang epekto sa buong mundo.
Giit ni Reyes, ang magiging bunga ng pambobomba ng US sa Iran ay kabaligtaran sa inilalako ni Trump na ang resulta nito’y ang panahon para sa kapayapaan
Ipinaliwanag ni Reyes na gaya ng pagsalakay nito sa Iraq, ginagamit ng US ang diumano’y pagkakaroon ng tinatawag na “ weapons of mass destruction”, sa kasong ito ang pagbuo ng mga sandatang nuklear, bilang isang dahilan para sa pambobomba sa Iran.
Ito aniya ang sukdulan ng pagkukunwari para sa US sa pambobomboa sa mga bansang sinasabi nitong gumagawa ng mga sandatang nuklear samantalang ang Estados Unidos naman ang may pinakamalaking imbakan ng mga sandatang nuklear sa mundo at ang tanging bansa sa kasaysayan na aktwal na gumamit ng mga sandatang nuklear laban sa ibang bansa.
Ayon kay Reyes, dahil mismo sa katotohanang ito kaya ang mga bansang target ng agresyon o probokasyon ng US ay nagsikap na bumuo ng mga sandatang nuklear.
Nanindigan aniya ang Iran na ang programang nuklear nito ay para sa mapayapang paggamit, para sa mga sibilyang power plant.
“Iran has maintained that its nuclear program is for peaceful use, for civilian power plants. Iran is a sovereign nation and the US cannot dictate how Iran will develop its nuclear program,” Wika ni Reyes.
Aniya, sa pinakamahabang panahon, nagpataw ang US ng mabigat na parusa sa Iran dahil sa simpleng pagkakaroon ng programang nuklear habang nagpapataw ng zero sanction sa genocidal Zionist regime ng Israel na naging responsable sa libu-libong pagkamatay sa Palestine at para sa pambobomba sa Iran, Lebanon, Iraq at Yemen.
“Trump said the US will not stop Israel from carrying out more attacks against Iran because Israel “is winning”. The US has also helped Israel with its own stockpile of nuclear weapons which Israel also uses to threaten Iran,” ani Reyes.
Pinapalawak ng Bayan ang pakikiisa nito sa mamamayan ng Iran sa paglaban sa imperyalistang agresyon ng US. Kasabay ng panawagan na kondenahin ng mga tao sa mundo ang US at Israel para sa kanilang mga aksyon ng pagsalakay laban sa Iran.
Hindi aniya dapat bigyan ng katwiran ang mga pag-atakeng ito bilang pagtatanggol sa sarili sa ilalim ng internasyonal na batas.
Kailangan aniyang igiit ng mamamayang Pilipino sa rehimeng Marcos ang kaligtasan ng mga Pinoy na naninirahan sa Iran na nagnanais lumikas.
“The Philippine government should also condemn the US bombings that violate Iran’s sovereignty and threaten the safety of Filipinos in Iran and Middle East,” pagtatapos ni Reyes. (ROSE NOVENARIO)