Mon. Nov 9th, 2026

Sa cross-examination inamin ni Engineer Jaime Adalin, city assessor ng Davao City, kay private prosecutor Jay Tolosa na ang acquisition cost ng property na may TCT 146-2024-010775 na binili ni Manases Carpio sa Brgy. Matina Crossing o Brgy. 74-A sa Davao City ay P10-M, batay sa 2024 SALN ni VP Sara Duterte ngunit nakasaad sa certificate authorizing registration na ang total selling prize nito ay P6-M.

Ayon kay Adalin, hindi naka-attach sa SALN ni VP Sara ang tax declaration ng naturang lote kaya hindi siya sigurado kung ito iyon.

Ipinakita ni Tolosa ang larawan ng isang business establishment na “Prime Bistro” na umano’y tumutukoy sa naturang lote na malinaw na hindi residential lot, ngunit ayon kay Adalin ay hindi siya tiyak kung ito nga iyon.

Sinabi ni Adalin na hindi niya na-check kung may iba pang ari-arian sa nasabing barangay ang mag-asawang VP Sara at Carpio at nakahanda siyang ibigay ang mga detalye sakaling may iba pa.

Tinanong ni Tolosa si Adalin kung kasama siya sa all-expenses paid China trip noong Nobyembre 2025.

Sagot ni Adalin habang tumatawa ay hindi niya natatandaan.

Nagbabala si Senator-judge Erwin Tulfo kay Adalin na seryosohin ang kanyang testimonya o baka i-cite for contempt siya ng korte.

“Parang niloloko tayo ng testigong ito,” ani Tulfo.

Para naman kay Senator-judge Raffy Tulfo, ang testigo ay “lying to his teeth” dahil ang larawang ipinakita ni Tolosa ay isang restawran ang nakatayo sa lote na sinasabing residential property ng mag-asawang VP Sara at Carpio. # (RRN)

By Web Dev