Fri. May 15th, 2026
Justice Secretary Jesus Crispin Remulla

KINOMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) noong Miyerkules na aktibong nakikipagtulungan ito sa International Criminal Court (ICC) upang mapadali ang testimonya ng mga testigo sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa diumano’y crimes against humanity sa kanyang kontrobersyal na drug war.

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang panayam sa Headstart ng ANC na ang ICC ay nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga opisyal na channel, at ang DOJ ay tumugon sa pamamagitan ng pag-tap sa Witness Protection Program nito. “Ibinigay namin ang aming suporta at pakikipagtulungan,” sabi ni Remulla, na binanggit ang kaligtasan at pangangailangan ng pag-secure ng mga saksi para sa paglalakbay sa The Hague.

Sa isang pambihirang hakbang, ibinunyag din ni Remulla na ang gobyerno ng Pilipinas ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga testigo na hindi kayang tustusan upang makarating sa punong tanggapan ng ICC sa Netherlands.

“Yung mga testigo lang, yung mga yan, wala namang kaya sa buhay, wala rin, yun lang talaga ang tutulungan,” aniya.

Ikinagulat ng marami, kasama ang legal advocate na kumakatawan sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs).

Sinabi ni Kristina Conti, isang abogado para sa mga biktima ng EJK at ICC Asst. to Counsel, na isang “kaaya-ayang sorpresa” ang pahayag ni Remulla.

Sa panayam sa Dateline ng ANC, inihayag ni Conti,”I would say this is cooperation with the ICC. This is precisely one of the elements that is required for state parties to do, these are among their obligations, to protect witnesses, assist the court in the conduct of proceedings.”

Ang alok ng tulong pinansyal para sa mga biktima na nagpaplanong tumestigo, idinagdag niya, ay nagpapahiwatig ng isang pambihirang ugnayan sa pagitan ng estado at mga nakaligtas sa digmaang droga.

Naniniwala si Conti na ang hakbang na ito ay maaaring magpalakas ng loob sa iba pang mga biktima na dati ay natatakot na lumutang nang walang proteksyon ng gobyerno. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *