Tinuligsa ng grupong Bayan Muna Youth ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong, at iginiit na hindi responsibilidad ng kababaihan na pigilan ang kanilang mga partner sa pangangaliwa.
Sa isang pahayag, kinuwestyon ng grupo ang payo ni Duterte sa mga kababaihang OFW na maging “magaling sa esmiringhoy” upang hindi sila lokohin ng kanilang mga asawa o kasintahan.
Ayon sa Bayan Muna Youth, ang ganitong pananaw ay naglilipat ng pananagutan sa mga babae sa halip na sa taong pumipiling magtaksil sa relasyon.
Iginiit ng grupo na milyun-milyong Pilipinang nagtatrabaho sa ibang bansa ang nagsasakripisyo at nagtitiis ng pagkakahiwalay sa pamilya upang masuportahan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa halip na gawing biro ang sekswalidad ng kababaihan, sinabi nilang dapat pagtuunan ng pansin ng mga lider ang mga suliraning kinahaharap ng mga babae, kabilang ang pagsasamantala, pang-aabuso, at kawalang-katiyakang pangkabuhayan.
Ayon pa sa Bayan Muna Youth, bagama’t pinayuhan din ni Duterte ang mga OFW na huwag gastusin ang kanilang kinikita sa mga nobyo, maaari umanong palakasin ng kanyang mga pahayag ang mga patriyarkal na paniniwalang matagal nang hinahamon ng mga kilusang pangkababaihan.
Anila, hindi dapat nakabatay ang paggalang at katapatan ng isang lalaki sa kakayahan ng babae na “panatilihing kuntento” ang kanyang kapareha.
Nanawagan ang grupo sa mga opisyal ng pamahalaan na magsulong ng mga polisiyang magtataguyod sa karapatan, seguridad sa kabuhayan, at awtonomiya ng kababaihan.
Binigyang-diin nila na ang mga relasyon ay dapat nakabatay sa paggalang, pagkakapantay-pantay, at pananagutan, at hindi sa paglalagay ng pasanin sa kababaihan upang makuha ang katapatan ng kalalakihan. # (RRN)