IGINIIT ni Senador Loren Legarda ang importansya ng Wikang Filipino at mga katutubong wika sa bansa na siyang nag-uugnay sa atin at nagsisilbing susi sa kaunlaran, kapayapaan, at katarungan.
“Ang ating malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa Wikang Filipino at mga katutubong wika ang siyang magpapatibay ng pundasyon ng ating bayan at ng ating adhikain bilang mamamayan,” mensahe ni Legarda.
“Binubuhay ng wika ang mayamang kasaysayan at ang makulay na kultura at tradisyon ng ating lahi. Pinapag-alab nito ang ating diwang makabayan at nagbibigay buhay sa ating pagnanais sa isang mas maunlad at malayang lipunan,” dagdag niya.
Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto taon-taon mula 1997 matapos ideklara ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.
Ginugunita ito sa buwan ng kapanganakan at kamatayan ni Manuel L. Quezon, ang unang pangulo ng Philippine Commonwealth, at itinuturing na “Ama ng Wikang Pambansa.”
“Ang ating mga wika ay mahalagang bahagi ng ating pamana at pagkakakilanlan bilang isang bansa, at nararapat lamang na ipreserba natin ang mga ito bilang tanda ng ating pagbibigay galang sa ating kasaysayan at kultura,” wika ng beteranong mambabatas.
“Ang patuloy na pangangalaga sa ating mga wika ang pinakamahalagang regalong maibibigay natin sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” dagdag niya.
Nakipagtulungan si Legarda sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagpapatayo ng mga Bantayog-Wika sa iba’t ibang probinsya upang ipagbunyi ang yaman ng mga wika sa bansa.
Sinuportahan din ng senadora ang pagbubuo ng mga aklat tulad ng Ortograpiyang Pambansa na gabay sa pagkilala sa kasalukuyang anyo ng wikang Filipino at ang Linguistic Atlas na naglalaman ng mga impormasyon sa mga katutubong wika.
Sa pakikipagtulungan ni Legarda sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining, inilunsad ang dokumentaryong “Usapang Wika” na tumatalakay sa mga wikang Ilokano, Cebuano, Hiligaynon, Kinaray-a, Waray, Kapampangan, Tagalog, Bicolano, Maranaw, at iba pang pangunahing wika ng Pilipinas. (NINO ACLAN)