Sun. May 3rd, 2026

📷: NUJP / FB

 

Sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day, binigyang-diin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na “ang panunupil ng estado ang nanatiling pinakamalaking banta sa kalayaan ng media sa Pilipinas” matapos nitong itala ang 242 insidente ng paglabag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Sa kabuuang bilang ng mga pag-atake, iniulat ng NUJP na 43 porsyento ay mula mismo sa pamahalaan at mga puwersang panseguridad ng estado.

Sampung mamamahayag na ang pinaslang, dalawa sa mga ito ay idineklarang hindi kaugnay sa trabaho ng pulisya.

“Nanatiling katotohanan na nabigo ang estado na protektahan ang mga mamamahayag at manggagawa sa media. Hindi pa rin napapanagot ang mga salarin,” giit ng NUJP.

Binanggit ng grupo ang kaso ng community journalist na si RJ Ledesma, kung saan nagsinungaling ang militar nang igiit na siya ay combatant upang bigyang-katwiran ang pagpaslang.

Isa pang mamamahayag, si Frenchie Mae Cumpio, ay nananatiling nakakulong dahil sa “gawa-gawang kasong pagpopondo ng terorismo,” matapos paulit-ulit na ma-red-tag bago siya inaresto.

Patuloy ang red-tagging, na may 39 insidente mula 2016. Binatikos ng NUJP ang pagtanggi ng administrasyon na buwagin ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa kabila ng panawagan mula sa mga eksperto ng UN at human rights groups.

Idinagdag pa ng NUJP na binalewala ng pamahalaan ang desisyon ng Korte Suprema noong 2024 na nagsasabing ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad.

Bukod sa red-tagging, ginamit din ang libel at Data Privacy Act laban sa mga mamamahayag.

Iniulat ng NUJP ang kaso ng dalawang babaeng mamamahayag sa Roxas City at Cagayan de Oro na kinasuhan ng cyber libel, at ang isa ay sinampahan din ng paglabag sa Data Privacy Act.

Madalas ding ginagamit ng mga politiko ang banta ng libel at Data Privacy Act upang pigilan ang pag-usisa sa mga kontrobersyal na isyu.

Iba pang anyo ng panggigipit ang surveillance, pisikal at verbal na pag-atake, pagkakait ng access sa impormasyon, cyberattacks, at online harassment.

Ayon sa NUJP, ang mga rekomendasyon ni UN Special Rapporteur Irene Khan ay “hindi pinakinggan.”

Nanawagan ang NUJP sa pamahalaan na gumawa ng matinding hakbang upang itigil ang pamamaslang sa media, i-decriminalize ang libel, wakasan ang red-tagging, at ipasa ang Freedom of Information Law.

“Nanatili ang klima ng impunity, kaya’t walang sapat na safety measures upang lubos na maprotektahan ang mga mamamahayag mula sa panganib,” ayon sa NUJP.

Binigyan diin ng NUJP: “Hindi nangyayari ang mga pag-atake sa kawalan ng konteksto. Ang mga nasa kapangyarihan ay nais na maitago, malito, o maipalsipika ang katotohanan para sa pansariling interes.”

Lumalaban anila ang mga mamamahayag sa panunupil upang maipagpatuloy ang misyon na ihayag ang katotohanan at bigyang-lakas ang publiko na kumilos.

“Nanawagan kami sa publiko na makiisa sa amin sa pagtatanggol sa kalayaan ng media at demokrasya,” pagtatapos ng NUJP. # (RRN)

By admin