Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang agarang pagsibak sa serbisyo ni Police Senior Master Sergeant John L. Mollenido matapos siyang mapatunayang administratibong responsable sa Grave Misconduct, Neglect of Duty, at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Batay sa desisyon ng Commission En Banc, napatunayang may pananagutan si Mollenido sa mga aksyon kaugnay ng pagkamatay ng kanyang asawang si PMSG Diane Marie Mollenido at ng kanilang walong taong gulang na anak na si John Ysmael noong Enero 2026. Sa kabila ng imbestigasyon, pinahintulutan at isinagawa niya ang agarang cremation ng mga labi, na nagresulta sa pagkasira ng ebidensiyang mahalaga sa kaso.
Binigyang-diin ng NAPOLCOM na malinaw na nilabag ng naturang aksyon ang Presidential Decree No. 1829 hinggil sa obstruction of justice, gayundin ang mga umiiral na regulasyon na nagbabawal sa cremation ng mga labi sa medico-legal cases nang walang kaukulang pahintulot.
“Kapag ang isang pulis mismo ang sumisira sa ebidensiya at humahadlang sa katotohanan, hindi lamang batas ang nilalabag kundi ang mismong katarungan. Hindi natin papayagan na ang uniporme ay maging pananggalang sa pananagutan,” ayon kay Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan
Dahil sa bigat at dami ng paglabag, ipinatupad ang parusang dismissal mula sa serbisyo, kalakip ang mga accessory penalties sa ilalim ng umiiral na batas. Muling iginiit ng NAPOLCOM ang kanilang paninindigan sa disiplina, integridad, at pananagutan sa hanay ng Philippine National Police, at binigyang-diin na walang sinuman ang nakatataas sa batas, lalo na ang mga tagapagpatupad nito. #