Tue. Apr 28th, 2026

📷: Alliance of Concerned Teachers / FB

Ilang araw bago ang Labor Day, naghain ng panukalang batas ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) kasama si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio para sa ₱50,000 panimulang sahod ng mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan.

Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, 90 porsyento ng mga guro sa pampublikong paaralan ay kumikita nang mas mababa sa family living wage, habang mas mababa pa ang tinatanggap ng karamihan sa pribadong sektor.

“Hindi katanggap-tanggap na ang mga guro, na siyang frontliners ng edukasyon at may taon-taong pagsasanay, ay binabayaran nang mas mababa sa disenteng pamantayan,” aniya, binanggit ang utang, pag-alis sa propesyon, at pagtatrabaho abroad bilang mga bunga.

Kinondena ng ACT ang umiiral na Salary Standardization Law at Executive Order No. 64 sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. bilang hindi makatarungan at nakapipinsala sa mga guro at rank-and-file na empleyado.

Giit ni Bernardo, matagal nang hinihingi ng mga guro ang dagdag-sahod na magtatama sa agwat ng kita at gastusin, ngunit patuloy silang naiiwan at napapabayaan kumpara sa mga opisyal ng burukrasya at uniformed personnel.

Tinuligsa rin ng ACT ang palusot na hindi kayang tustusan ang malaking dagdag-sahod, iginiit na “mali ang prayoridad ng gobyerno” at binanggit ang bilyon-bilyong pondo sa mga proyektong tiwali at gastusing walang saysay.

Nagbabala ang ACT na maglulunsad sila ng iba’t ibang kolektibong pagkilos, mula lobbying, mobilisasyon, sit-down strikes, walkouts, hanggang mass leave, upang igiit ang kanilang matagal nang panawagan para sa disenteng at makataong sahod. # (ROSE NOVENARIO)

By admin