📷: CHR / FB
Ipinahayag ng Commission on Human Rights (CHR) ang matinding pagkabahala sa ulat ng armadong engkuwentro noong 19 Abril 2026 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa labing-siyam (19) na indibidwal, kabilang ang lider-estudyante na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Nichole Ledesma.
Sinabi ng CHR sa isang kalatas na nagsimula na ang kanilang tanggapan sa Negros Island Region ng isang independiyenteng imbestigasyon.
“Information from local human rights advocates prompted coordination with civil society organizations, local authorities, and security forces, including working with the families for the retrieval of the remains in Toboso and Escalante,” anang CHR.
Binigyang diin ng Komisyon ang mga hindi pagkakatugma sa pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Habang iginiit anila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga biktima ay kasapi ng isang armadong grupo, sinasabi naman ng ibang organisasyon na ilan sa mga nasawi, kabilang sina Alano at Ledesma, ay mga sibilyang nakikilahok sa gawaing pangkomunidad.
Giit ng CHR, ang alinman sa mga pahayag ay nangangailangan ng masusing, independiyenteng beripikasyon at ang pagtukoy sa katayuan, kalagayan ng engkuwentro, at proporsyonalidad ay dapat nakabatay sa beripikadong mga katotohanan at due process.
“In case of doubt, persons shall be presumed civilians,” saad ng CHR.
“We note that core obligations under International Humanitarian Law (IHL), even in the context of non-international armed conflict, remain: Parties must distinguish between combatants/fighters and civilians/civilians objects. Indiscriminate attacks are prohibited, and civilians are protected unless they directly participate in hostilities,” anang Komisyon.
Ang mga alegasyon anila nang illegal na pagpatay o paglabag sa IHL at batas sa karapatang pantao ay nangangailangan ng maagap, epektibo, walang kinikilingan, at independiyenteng imbestigasyon, at pananagutan kung mapatunayang may paglabag.
Dagdag pa rito, nababahala ang CHR sa mga ulat na, dahil sa insidente, mahigit isang daang pamilya ang nawalan ng tirahan.
Nanawagan ang Komisyon sa mga awtoridad na tiyakin ang sapat na tulong makatao, proteksyon laban sa karagdagang paglikas, at akses sa batayang serbisyo, alinsunod sa pamantayan ng karapatang pantao at makataong pamantayan.
Hinimok din ng Komisyon sa lahat ng panig na lubos na makipagtulungan sa imbestigasyon ng CHR, pangalagaan ang ebidensya, tiyakin ang walang sagkang akses sa impormasyon at mga lugar, at mahigpit na sumunod sa IHL at pamantayan ng karapatang pantao.
Sinabi ng CHR na ipinapakita ng insidenteng ito ang patuloy na mabigat na kabayaran ng armadong tunggalian, lalo na sa mga komunidad na nasa laylayan gaya ng Negros.
Ang pagtugon sa ugat ng tunggalian,kabilang ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at usapin sa lupa,ay nananatiling mahalaga para sa pangmatagalang kapayapaan na nakaugat sa mahigpit na pagtalima sa karapatang pantao at IHL.
Nanawagan ang CHR sa publiko na manatiling mapagmatyag, mapanuri, at nakatuon sa paghahangad ng katotohanan, hustisya, at pananagutan. # (ROSE NOVENARIO)