📷: Koalisyong Makabayan / FB
ng Koalisyong Makabayan
Magaganap ngayong May 11 ang sponsorship, debate at voting ng Kamara kaugnay ng impeachment laban kay Sara Duterte. Kapag nakuha ang â…“ boto ng kabuuang kasapi ng Kamara ay dadalhin na sa Senado ang articles of impeachment at inaasahan na kagyat na bubuuin ang impeachment court at magsisimula ang trial.
- Ano ang laman ng articles of impeachment na batayan ng reklamo laban kay Duterte?
- a) Paglabag sa Konstitusyon, graft and corruptpion at betryal of public trust dahi sa pagwawaldas ng hindi bababa sa P500 million na Confidential Funds ng OVP at DepEd sa ilalim ng panunungkulan ni Sara Duterte. Ayon sa mga ulat ng Commission on Audit ay may mga iregularidad at kwestyunableng paggastos ng Confidential Funds ng OVP para sa taong 2022-2023 at DepEd para sa taong 2023. May final notice of disallowance na para sa P73 million na OVP Confidential Funds noong 2022 habang may pagkwestyon ang CoA sa paggastos ng P375 milyong Confidential Funds ng OVP para sa 2023. Dahil kwestyunable ang paggamit, pinapabalik ng CoA ang mga pondong ito sa gobyerno. Nagamit ang mga pondo para sa mga items na hindi saklaw ng dapat pagkagastusan ng CF, ginastos sa mabilis na panahon at sa pamamagitan ng mga taong hindi awtorisadong humawak ng pondo. Ang P448 milyong kwestyunableng paggastos ng Confidential Funds ng OVP at P112 million na kwestyunableng paggastos ng Confidential Funds ng DepEd ay nagpapakita ng sistematikong paglulustay at pandarambong sa pondo ng bayan. Sinasabi din ng impeachment complaints na kwestyunable at peke ang mga ginawang pag-uulat ng OVP sa CoA at lumalabas na pinagtakpan lang nito ang paglulustay ng pondo sa pamamagitan ng mga pekeng mga pangalan ng tumanggap ng pondo at mga pekeng programa at aktibidad. Ayon sa NBI, ang ilang pangalan at pirma ay tila sinulat lang ng iisang tao dahil pare-pareho ang handwriting. Ang cover-up ng paglulustay at pandarambong at ang pamemeke ng ulat sa CoA ay bahagi ng sistematikong korapsyon sa ilalim ni Sara Duterte.
- b) Paglabag sa Konstitusyon at betrayal of public trust dahil sa hindi maipaliwanag at hindi deklaradong yaman – Si Duterte ay kinakitaan ng mga kwestyunableng bank transactions na lagpas sa kanyang deklaradong yaman. Ayon sa ulat ng Anti Money Laundering Council ay umaabot sa P6.7 bilyon mula 2007 hanggang 2024 ang kabuuang halaga ng mga transaksyon (pumasok at lumabas) sa mga bank accounts ni Sara Duterte at kanyang asawa – lagpas sa deklaradong yaman nila sa SALN o halaga ng sweldo at kita ng mga negosyo nila – at kung gayon ay maituturing na kwestyunable ang pinagmulan. Sa P6.7 bilyon na halaga ng mga transaksyon, P4.4 bilyon ang pumasok ng mga bangko habang P1.5 bilyon ang lumabas ng mga bangko. Ayon sa kanyang Statement of Assets and Liabilities ay walang deklaradong cash on hand o bank deposits si Duterte mula 2018 hanggang 2024 subalit may napakalaking pera na pumapasok at lumalabas sa mga bank accounts ni Duterte at kanyang asawa sa panahong ito.
- c) Paglabag sa Konstitusyon, betrayal of public trust at graft and corruption sa panunuhol sa mga opisyal ng DepEd – Ilang mga opisyal ng DepEd ang umamin sa nagdaang pagdinig ng Kamara na sila ay regular na tumatanggap ng mga envelopes na may lamang pera mula kay Sara Duterte na noon ay Kalihim din ng DepEd. Ang pamimigay ng pera, na labas na buwanang sweldo ng mga opisyal, ay upang impluwensyahan ang mga patakaran sa procurement at bidding ng DepEd. Nagpapakita din ito ng sistematikong korapsyon sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte.
- d) Paglabag sa Konstitusyon, betrayal of public trust at iba pang krimen kaugnay ng pagbabantang patayin si Bongbong Marcos Jr., Liza Araneta at dating Speaker Martin Romualdez. – Ang pagbabantang papatayin ang ilang mga personahe, kabilang ang pag-amin na siya ay nangontrata ng papatay sa mga karibal, ay malinaw na mga krimen. Napanood ng tuambayan ang pagbabantang ito sa live online press conference na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024. Ang ganitong pagbabanta ng pagpatay ay maituturing na bahagi ng impunity o kawalang pananagutan ng mga Duterte. “Tatak Duterte” na ang hayagang pagbabanta na papatayin ang mga tao o grupo na hindi nila kasundo. Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng bansa na ang Pangalawang Pangulo ay hayagang nagbanta na papatayin ang Pangulo.
- Pamumulitika lang ba ang impeachment? Bakit ito ginagawa sa panahon na may malalang krisis sa ekonomiya?
Bagama’t ang impeachment ay prosesong pulitikal, hindi ito simpleng pamumulitika lamang na para bang walang kongkretong batayan ang mga alegasyon laban kay Sara Duterte. Ang impeachment ay proseso para panagutin ang pinakamatataas na opisyal na gobyerno, isang proseso para sila ay matanggal sa pwesto at hindi na muling makahawak ng anumang pusisyon sa gobyerno.
Sa lahat ng panahon, laging nasa interes ng taumbayan ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal. Kailangan ng accountability o pananagutan lalo na ngayon na panahon ng malubhang krisis sa ekonomiya. Kailangang ipakita na hindi tama na magnakaw o magwaldas ng pondong publiko lalo’t sala’t na sala’t ang pondo para sa serbisyo at suporta sa taumbayan. Kailangang mabawi ang pondong ninakaw o nilustay at magamit o maibalik ito sa taumbayan upang maibsan ang epekto ng malalang krisis sa ekonomiya. Dagdag pa, kailangan ng pananagutan upang magsilbing babala sa mga matataas na opisyal ng gobyernong magtatangka muling magnakaw sa kaban ng bayan.
- Selective ba ang impeachment? Bakit si Duterte lang? Paano ang ibang tiwaling opisyal?
Hindi tayo nagkakasya sa pagpapanagot kay Duterte lamang. Ang totoo ay korap ang buong sistema at ang pinakamatataas na opisyal ng gobyerno, kabilang ang Pangulo, ay sangkot sa korapsyon. Tuloy dapat ang pagpapanagot natin para sa flood control corruption at sa mga kickback na natanggap ni Marcos Jr mula sa mga infrastructure projects. Ito ang dahilan kung bakit nagsampa ang Makabayan ng impeachment laban kay Marcos Jr subalit hindi ito nabigyang daan sa Kamara. Gayunpaman, hindi humihinto ang mga progresibong grupo na panagutin si Marcos Jr at mga opisyal niya para sa kanilang papel sa sistematikong korapsyon sa gobyerno. Kailangang pag-ibayuhin ang paniningil at pagpapanagot sa kanila lalo pa ngayon at malapit na ang isang taong anibersaryo ng paglalantad ng flood control corruption subalit wala pa ring matataas na opisyal ang napapanagot.
- Ano ang ipinapakita ng impeachment at mga isyu ng korapsyon na tila hindi matapos-tapos? Ano ang dapat gawin ng taumbayan?
Ipinapakita ng nagaganap na impeachment proceedings at mga isyu ng korapsyon na ang mismong sistema ang problema. Bulok talaga ang kasalukuyang sistema at hindi ito usapin ng pagkampi o pagpili ng isang paksyon ng pulitiko laban sa iba pang paksyon. Hindi dapat pumili sa pagitan ni Duterte o ni Marcos dahil pareho silang kumakatawan sa sistema ng korapsyon at sistema ng political dynasties sa bansa. Wala sa kanilang dalawa ang solusyon sa krisis na kinakaharap natin. Ang solusyon ay nasa sama-samang pagkilos ng taumbayan upang igiit ang pananagutan ng mga korap at baguhin ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga dayuhan, ng mga malalaking negosyante, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista. Hindi mawawala ang korapsyon sa gobyerno kung hindi magbabago ang sistema, kung hindi mababago ang mga uri na naghahari sa bansa at kumokontrol sa gobyerno. Lagpas sa usapin ng impeachment, magkaisa, mag-organisa at kumilos tayo para sa pambansang demokrasya, para makamit ang tunay ng kapangyarihan ng mamamayan at makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bansa. ###