Inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na mag-iisyu ng subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Lunes, Mayo 11.
Kaugnay ito ng imbestigasyon sa mga extrajudicial killings na naganap noong siya ay police director ng Davao City at regional director ng Davao Region.
Ayon kay PNP Chief Gen. Melencio Nartatez, ang ulat ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan ang magsisilbing batayan ng imbestigasyon, kasama ang iba pang reklamo ng EJK at pang-aabuso.
Kung hindi tutugon si Dela Rosa sa subpoena, maaari siyang sampahan ng kasong indirect contempt sa Regional Trial Court alinsunod sa Republic Act 10973, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2018.
Nakasaad sa batas, “Failure to comply with subpoena and subpoena duces tecum shall authorize the filing of a case for indirect contempt under the Rules of Court with the Regional Trial Court.”
Maaaring ipag-utos ng korte ang pag-aresto at pagdetine sa sinumang akusado ng indirect contempt.
Inaabangan ng publiko kung tutuparin ni Senador Robin Padilla ang kanyang pangako na siya mismo ang magsusuko kay Dela Rosa kung may lokal na arrest warrant.
“If Philippine law enforcers were the ones looking for him, I would personally surrender Bato myself. But if foreigners are involved, my heart cannot take it,” ani Padilla sa isang panayam sa radyo. # (ROSE NOVENARIO)