Tue. May 12th, 2026

Kinuwestyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang loyalty sa administrasyong Marcos Jr. at kakayahan bilang secretary ng DILG ni Jonvic Remulla.

“Lahat ng pugante malaya under Secretary Jonvic dahil hindi niya ginagawa ang trabaho niya,” sabi ni Trillanes sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa True FM ngayong umaga.

Ayon kay Trillanes, noon pang nakaraang taon ay kapatid mismo ni Remulla na si Ombudsman Boying Remulla ang nagsiwalat na nakita na niya ang ICC arrest warrant laban kay Bato kaya’t nakapagtataka na hindi ito pinahanap ng kalihim ng DILG.

“Wala ba info si Jonvic na may warrant na si Bato? Ang nakakatawa rito, last year yung kapatid nya ang nag-anunsyo na may warrant si Bato, kapatid nya yun, bakit di nya tinanong? Bakit hindi niya pinahanap kung may warrant?” ani Trillanes.

“Nagdududa na ako kay Jonvic, kanino ba talaga siya kakampi?” giit niya.

Ipinagmalaki pa aniya ng DILG secretary noong May 9, 2026 na nagkasa na siya ng 10,000 katao para sa dragnet operation upang madakip si Bato ngunit biglang kumambyo at sinabing hindi puwede i-impose ang ICC warrant.

Binigyan diin ni Trillanes na illegal ang pagkaloob ng Senado ng protective custody kay Dela Rosa dahil ang crimes against humanity ay may parusang life sentence at hindi ito saklaw sa proteksyon na puwedeng ibigay ng Senado sa mga senador na akusado sa kasong  hanggang anim na taon lamang ang parusa.

Binuweltahan din niya ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na hindi puwedeng arestuhin si Bato habang may session ang Senado dahil sila ni De Lima ay dinakip noon habang may session ang Senado.

Kombinsido si Trillanes na hindi maglalabas ng TRO ang Korte Suprema para pigilan ang ICC arrest warrant gaya nang ginawa sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw ni Trillanes na ang ipinakita niyang ICC arrest warrant kahapon sa Senado ay kopya ng NBI na naroon ng mga sandalling iyon.

“Unang-una ako ay andun sa Senado dahil nagkaroon ng ugong ugong over the weekend na lalabas si Bato dahil sa change of leadership. May personal request siya dati na samahan ko ang mag-aarestosa kanya kaya andun ako para samahan ang NBI,” wika ni Trillanes. # (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin