Wed. May 13th, 2026

Isiniwalat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kotse ni Sen. Pia Cayetano ang ginamit ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa nang dumating sa Senado noong Lunes, 11 Mayo 2026.

Ang pahayag ni Lacson ay nagkompirma sa sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na sumakay si Dela Rosa sa sasakyan ng isang senador habang papasok sa Senate compound noong Lunes.

Matatandaan na nagkandarapa si Dela Rosa sa pagkaripas ng takbo paakyat sa hagdan patungo sa kanyang tanggapan sa Senado para makaiwas sa NBI agents.

“Hindi pleasant sa mata. Not a pleasant sight. Noong pumasok si Sen. Bato, nakita ko  naka-plaster ang kanyang daliri. Sabi ko, “ano nangyari sa daliri mo? Nakipag-wrestle ako,” ani Lacson sa panayam sa Super Radyo DZBB 594khz ngayong umaga.

Ayon kay Lacson, batay sa isinapublikong video ng insidente ay wala naman wrestling na nangyari.

Nauna rito’y sinabi ni Matibag na walang naganap na wrestling dahil dalawang babaeng NBI agents ang nagtangkang isilbi ang ICC arrest warrant ngunit itinulak sila ni Bato, sabay karipas ng takbo sa hagdan kaya’t naiwan niya ng hanggang tatlong metro ang arresting officers.

Kaya aniya may plaster ang mga daliri ni Dela Rosa dahil naitukod ang kamay nang nadapa sa hagdan at ang mga taong kasunod ng senador na nagtakbuhan ay mga staff nito, at ang iba’y may dala pang mga maleta. # (ROSE NOVENARIO)

By admin