Naglabas ng matinding panawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa Department of Education (DepEd) at kay Secretary Sonny Angara na agad na wakasan ang pakikipag-ugnayan sa Israel, binabala na ang naturang mga ugnayan ay nagiging lehitimasyon sa tinutukoy ng grupo bilang nagpapatuloy na krimen laban sa sambayanang Palestino.
Sa isang kalatas, kinondena ng ACT ang kamakailang pagbubukas ng isang Digital Learning Resource Center sa Maynila na isinagawa sa pakikipagtulungan sa mga kinatawan ng Israel.
Ayon sa samahan ng mga guro, ang hakbang na ito ay “morally indefensible and profoundly insensitive” sa panahong nasasaksihan ng mundo ang pagkawasak ng mga paaralan, unibersidad, at komunidad sa Gaza sa ilalim ng pag-atake ng militar ng Israel.
“At a time when the world is witnessing Israel’s continuing genocide in Gaza, the destruction of Palestinian schools and universities, and the systematic targeting of children, educators, and civilian communities, DepEd’s decision to welcome and celebrate with Israeli representatives is both morally indefensible and profoundly insensitive,” pahayag ng ACT.
Dagdag pa ng grupo, hindi matatakpan ng mga kampanya ng pampublikong diplomasya ng Israel ang pagkawasak ng imprastrukturang pang-edukasyon sa Palestina, na nag-iwan sa daan-daang libong estudyante na walang silid-aralan at sa buong henerasyon na pinagkaitan ng karapatang matuto.
Binigyang-diin ng ACT na libu- libong bata sa Gaza ang napatay, nasugatan, o napalayas, na malinaw na bahagi ng sinadyang pag-atake sa identidad at kinabukasan ng sambayanang Palestino.
Itinuring ng ACT na ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Israel ay bahagi ng mas malawak na pandaigdigang debate hinggil sa akademiko at institusyonal na kooperasyon. Sa iba’t ibang panig ng mundo, maraming unibersidad, unyon, at organisasyong sibiko ang tumanggi sa mga kolaborasyong nakikita nilang nagno-normalisa ng okupasyon at settler-colonialism.
Binanggit ng ACT na tungkulin ng mga guro na ipagtanggol ang katotohanan at pagkatao, at ang pakikiisa sa mga Palestino ay mahalaga sa pagtatanggol ng unibersal na karapatan sa edukasyon.
“We cannot celebrate so-called child-friendly learning hubs while children in Gaza are denied not only classrooms but also safety, shelter, food, water, and even the right to live,” dagdag ng ACT. # (ROSE NOVENARIO)