Mon. Jun 15th, 2026

📷: Rene Baterbonia 2.0 / FB

 

Paiimbestigahan ni Rovelyn Baterbonia ang pagkamatay ng anak niyang si Rene sa pagkalunod sa habang nasa boot camp training ng Ateneo Blue Eagles men’s basketball team sa Dipaculao, Aurora.

Naghahanap ng mga kasagutan ang ginang sa mga tanong niya kung bakit pinalangoy sa dagat ang kanyang anak na umano’y may nakakabit na 20 kilong pabigat at tadtad ng pasa ang buong katawan mula sa mga binti.

“Bakit ang dami nila roon, walang nag-rescue? Bakit nila pinalangoy ang anak ko na may nakakabit na 20 kilos ang bigat?” luhaang tanong ni Rovelyn sa panayam sa media pagdating sa Maynila mula sa Davao.

Nang tanungin siya ng media kung posibleng may foul play, tugon niya,”Talaga kasi ang anak ko ang daming pasa. Saan na ba galing ang pasa?”

“Talagang magpaimbestiga ako. Kung sino ang gustong tumulong, magpatulong ako,” giit niya.

Masama rin ang loob ng ginang sa Ateneo de Manila University dahil hindi siya pormal na inabisuhan sa sinapit ng kanyang anak.

Wala rin aniyang kinatawan ang Ateneo na naghatid sa Maynila sa bangkay ng kanyang anak mula sa Aurora kundi staff lamang ng punerarya ang kasama.

“Biniyahe nila ang anak ko, hindi man lang nila binihisan. Walang damit, yung shorts basa. Walang staff sa Ateneo na sumama, trabahante lang ng punerarya,” wika ni Rovelyn.

“Wala silang sinabi sa akin kahit na ano. Post lang nila na wala na ang anak ko,” dagdag niya.# (ROSE NOVENARIO)

 

By admin