Mon. Jun 15th, 2026

Pormal nang nagsimula ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng mga estudyanteng atleta ng Ateneo de Manila na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, na nalunod sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

“Nakikiramay kami sa kanilang mga pamilya, sa kanilang mga kakampi, at sa mas malawak na komunidad, at hinihiling naming huwag gawing paligsahan ng mga institusyon o antas panlipunan ang kanilang pagkawala,” ayon sa NBI.

Bagaman iniulat ng Aurora police na walang nakitang “palatandaan ng foul play,” iginiit ng NBI ang tungkulin nitong magsiyasat nang malaya sa “lahat ng anggulo ng mga pagkamatay na ito, kabilang ang tanong kung talagang wala ngang foul play.”

Binigyang-diin ng Bureau na ang ganitong ulat “hindi, sa kanyang sarili, sumasagot sa hiwalay at kasinghalagang tanong sa ilalim ng ating mga batas: kung ang mga pagkamatay na ito ay resulta ng kapabayaan sa pagsasagawa ng aktibidad.” Tinukoy nito ang Article 365 ng Revised Penal Code, na nagtatakda ng pananagutan sa pagkamatay dulot ng reckless o simpleng imprudence.

Sinusuri ng mga imbestigador kung natugunan ng mga tagapag-organisa ang pamantayang “diligence of a good father of a family” sa ilalim ng Civil Code — kabilang ang pagsusuri sa panganib ng lokasyon, kondisyon ng dagat, at sapat na pangangalaga at superbisyon. “Isa sa mga anggulong kasalukuyang sinusuri ay kung natugunan ang pamantayang iyon,” ayon sa pahayag.

Nilinaw ng NBI ang pagiging patas ng imbestigasyon: “Ang isang prestihiyosong institusyon ay hindi pinoprotektahan ng kanyang katayuan ni pinipili dahil dito. Ang mga magtatangkang gawing tunggalian ng pribilehiyado at kapos ang trahedyang ito ay nagkakamali sa batas at sa layunin ng imbestigasyon.”

Tiniyak ng Bureau na magpapatuloy ito “nang may obhetibidad, walang prejudgment, at sa buong koordinasyon sa Philippine National Police at mga kaukulang awtoridad,” at nanawagan sa publiko na umiwas sa haka-haka. #(RRN)

 

By admin