Ipinatupad ng Pamahalaang Bayan ng Dipaculao ang Temporary Closure Order laban sa Hermanos Leisure and Farm Resort kasunod ng pagkamatay ng Ateneo Blue Eagles players na sina Rene Clert N. Baterbonia at Divine Adili sa team-building activity noong Hunyo 8.
Agad na inatasan ni Mayor Danilo A. Tolentino ang pagsusuri ng composite team mula sa Business Permits and Licensing Office, Municipal Tourism Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Philippine Coast Guard.
Lumabas sa imbestigasyon na lumabag ang resort sa mga probisyon ng Sangguniang Bayan Ordinance No. 2025-12 hinggil sa kaligtasan sa mga dalampasigan at tourist destinations.
Ayon sa LGU, layunin ng closure order na tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa safety standards at maiwasan ang kahalintulad na insidente. Nagpahayag din ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa mga pamilya ng mga nasawi.
Noong Huwebes, nagtungo sa National Bureau of Investigation ang mga may-ari at staff ng resort upang magbigay ng impormasyon.
Nauna nang sinabi ng Aurora police na isinagawa ang aktibidad 300 metro mula sa tuyong bahagi ng dalampasigan, sa kabila ng payo ng resort na manatili sa mababaw na tubig. Batay sa post-mortem certificate, ikinamatay ni Baterbonia ang asphyxia by drowning. # (RRN)