ng Coalition of Academics Against US Agression (CAUSA)
Ngayong Hulyo 4, idadaos ang Filipino-American Friendship Day, ang dating araw ng kalayaan ng Pilipinas mula sa direktang pamamahala ng Estados Unidos (US). Ngunit huwag tayong magpapalinlang sa “pakikipagkaibigang” ibinibigay sa atin ng US. Sa mga hindi pantay na mga kasunduan at tratado tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nagpapatuloy ang militaristikong kontrol ng US sa pamahalaan at militar ng Pilipinas. Ang militarisasyon ng Pilipinas ay produkto ng ganitong sunod-sunurang pakikitungo sa imperyalistang US. Gayundin, ang pagsunod ng Pilipinas sa Pax Silica ay pagpapakita ng patuloy na pagkontrol ng Estados Unidos sa ekonomiya’t likas na yaman ng Pilipinas. Sintomas ang kurapsiyon ng pamahalaang Pilipino sa ganitong patuloy na ekonomikong kontrol ng US.
Sa patuloy na pagpapatupad ng VFA at EDCA at pagtanggap ng Pax Silica ng Administrasyong Marcos Jr, ipinakikita lamang ang patuloy na pagiging tuta nito sa imperyalistang US. Sa darating na State of the Nation Address (SONA), ihayag natin ang patuloy na pagtutol sa patuloy na neokolonyal na kalagayan ng Pilipinas kung saan ang interes ng US na inuuna sa halip na tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng taumbayang Pilipino. Hangga’t magpapakatuta ang administrasyong Marcos at hindi uunahin ang pangangailangan ng taumbayan tulad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, mananatiling mailap ang kaunlaran sa Pilipinas.
Aral na dapat para sa atin ang pagtataksil ng US kay Aguinaldo noong 1898. Sa kasalukuyan, saksi tayo sa pangingialam ng US sa soberenya ng Venezuela sa paglilitis kay Nicolas Maduro sa mga gawa-gawang kaso kaugnay sa illegal na droga. Ang pambobomba naman sa Iran ay isinasagawa gamit ng mga gawa-gawang paratang kaugnay sa programang nuklear nito. Saksi din tayo sa patuloy na pagsuporta ng US sa Israel at ang nagaganap na henosidyo sa Gaza at ang pang-aagaw ng lupa sa West Bank sa Palestina. Kaya’t patuloy na ipinanawagan ng CAUSA ang pagtatakwil sa imperyalismong US at patuloy na panghihimasok nito sa Pilipinas.
Rehimeng Marcos Jr-US, Itakwil! Kalayaan at Kasarinlan para sa Lahat ng Bayan! #